Advertisers
INIIMBESTIGAHAN na ang limang firefighter volunteers na nabidyuhang nagnanakaw ng mga bote ng alak sa nasunog na Landers supermarket sa Barangay Pasong Putik, Quezon City, Miyerkoles ng umaga, Enero 28.
Sa video na in-upload ni Johnny Gaw Yu sa Facebook, nakita ang mga bumbero na kumukuha ng mga bote ng alak mula sa mga debris sa supermarket sa kanto ng Belfast Avenue at Quirino Highway.
Dakong 4:44 ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog at umabot sa ikalimang alarma bago ito naapula ng mga bumbero, 10:48 ng umaga.
Sinabi ni Superintendent Anthony Arroyo, tagapagsalita ng Bureau of Fire Protection (BFP), naglunsad na sila ng imbestigasyon upang matukoy ang mga bumbero na nakitang nangungulimbat sa natupok na supermarket.
Batay sa fire suit na suot ng mga bumbero, sinabi ni Arroyo na ang mga bumbero sa video ay hindi mula sa BFP kundi mula sa mga volunteer group.
Sinabi ni Arroyo na tinitingnan ng kanilang mga imbestigador ang listahan ng mga volunteer group na nakalista sa incident command post para sa pagkakakilanlan ng mga boluntaryo.
Mayroong humigit-kumulang 30 boluntaryong grupo ang nagresonde sa sunog sa Landers.