Advertisers

Advertisers

IMPEACHMENT VS MARCOS, BASURA!

0 27

Advertisers

Tiwala ang dalawang lider ng Kamara na mababasura ang impeachment complaint na inihain ng abogadong si Andre de Jesus laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. dahil  sa mga “fatal flaws” nito—kabilang ang kawalan ng personal na kaalaman at pag-asa lamang sa mga artikulo sa pahayagan bilang ebidensya.

Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, isang abogado at chairman ng House Committee on Public Accounts, hindi pumapasa sa “sufficiency in substance” ang reklamong impeachment batay sa mga patakaran ng Kamara.



Sinabi ni Ridon na sa kanyang pagsusuri sa reklamo at mga kalakip na dokumento, malinaw na kulang ito sa personal na kaalaman at mga awtentikong ebidensya upang suportahan ang mga paratang laban sa Pangulo. Lima sa walong ebidensyang isinumite ay pawang  balita lamang, habang ang tatlo ay  mga dokumento ng Kongreso kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulo Rodrigo Duterte—ngunit wala ni isa ang certified true copy.

“Para sa akin, walang batayan… there is insufficiency of substance,” ani Ridon.



Sang-ayon dito si Manila Rep. Joel Chua, vice chair ng House Committee on Justice at chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability. Ayon kay Chua, depektibo agad sa batas ang paratang ng kidnapping.

“Para umiral ang kasong kidnapping, ang salarin ay dapat pribadong indibidwal,” paliwanag niya. “Dito pa lang tapos na ang (De Jesus) impeachment complaint,” dagdag pa ni Chua.



Sa parehong pagdinig ng House Committee on Justice, kinuwestiyon ni Quezon City Rep. Jesus Suntay si Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett Nisay—na nag-endorso ng reklamo—kung may iba pa bang ebidensya bukod sa mga nakalakip.

Inamin ni Nisay na wala na, at karamihan sa annexes ay mga balita lamang dahil “readily accessible” ang mga ito.

Agad namang tumugon si Suntay: “Hindi maaaring i-impeach ang Pangulo batay lang sa mga news reports.”

Samantala, nagbigay rin ng pananaw si dating senador at kritiko ng administrasyon na si Leila de Lima. Aniya, sa yugtong ito, limitado lamang ang tungkulin ng komite sa pagtukoy kung sapat sa alegasyon ang reklamo—hindi kung totoo o kapani-paniwala ang mga paratang.

Ipinaliwanag ni De Lima na ang “sufficiency in substance” ay nangangailangan ng malinaw na paglahad ng mga pangunahing katotohanan, na kung ipagpapalagay na totoo ay bubuo ng isang impeachable offense.

“Hypothetical admission lang. Hindi pa natin titingnan kung totoo o hindi o may supporting evidence ang isang allegation of fact,” ani De Lima.

Gayunman, iginiit ni Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor na hindi dapat tanggapin ng komite ang mga reklamong nakabatay lamang sa hubad na alegasyon. Aniya, may pananagutan ang komite na tiyakin ang mga paratang at may sapat na suportang ebidensya upang masabing sapat, hindi lamang sa porma kundi pati sa nilalaman.

Ang mga pahayag ay ginawa sa gitna ng mga paratang laban kay Pangulong Marcos, kabilang ang umano’y kidnapping kay dating Pangulong Duterte at alegasyon ng paggamit ng ilegal na droga—mga akusasyong, ayon sa mga lider ng Kamara at resource persons, ay hindi pumapasa sa itinakdang pamantayan ng Konstitusyon at mga patakaran ng impeachment.