Advertisers
Uulitin ng pitak na ito, marami naman na mabubuting pakinabang ang pagmimina (mining) — ang pagbubungkal ng lupa upang makuha ang mahahalagang mineral , metal karbon, ginto, ore, at mga bukal ng natural gas, langis, petrolyo at iba pa na ginagamit sa siyensiya at mga industriya.
Pero sa kalahatan bukod sa pakinabang may masasamang epekto ang pagmimina.
Kamatayan sa mga minero sanhi ng pagguho sa malalalim na hukay at tunnel na pinagkukuhanan ng mineral at iba pa sa ilalim ng lupa o sa ilalim ng dagat.
Pagkawasak ng likas na yaman tulad ng kagubatan, bundok at pagkamatay ng mga maiilap na hayop at katutubong halaman.
Marami nang ilog at dagat ang namatay sa polusyon at kontaminasyon bunga ng kemikal na ginamgamit sa pagmimina at ang pagsingaw ng karbon at ng mga nakalalasong usok na sumisira sa atmospera — ang dulot ay peligro sa buhay ng tao at ng mga hayop at iba pa.
Kung may mabubuting pakinabang ang pagmimina, may malaking negatibong epekto ito, tulad nabanggit na (1) pagguho o pagkatibag ng lupa at mga bato; (2) malalaking butas o sinkholes; (3) polusyon sa tubig at hangin; (4) pagkawasak at pagkaubos ng mga puno, pagkawala ng mga likas na maiilap na hayop sa tubig at sa kagubatan; (5) pagkawasak ng likas na buhay ng maiilap at likas na galaw ng buhay sa ekosistema; (6) pagkasira ng mga bukal ng tubig sa ilalim ng lupa at: (7) pagkalason ng lupa.
Mas matindi ang epekto nito sa populasyon, kabuhayan at aktibidad ng populasyon sa lugar ng minahan.
Matapos makuha ang mineral at iba pang kailangan sa winasak na likas-yaman, naiiwang nakatiwangwang ang lupa, patuloy ang perwisyo ng polusyon, kamatayan sa buhay ng tao, ng hayop at ng kapiligiran.
Hindi na maiinom ang tubig sa bigat ng polusyon — wala nang isda at yamang tubig na likas na mapagkukuhanan ng pagkain ng mga tao: kahirapan, kamatayan ang epektong iiwan ng minahan habang kamal-kamal na salapi ang iuuwi ng mga kompanya at ng gobyerno pumayag wasakin ang kapaligiran.
***
Kung ititigil naman ang pagmimina, paano ang kinikitang bilyon-bilyong dolyar ng gobyerno at ng pribadong kompanya ng minahan?
Paano matutustusan ang kailangang materyal, mineral, langis, natural gas, ore, karbon, ore, at iba pang bakal para mapatakbo ang industriya, negosyo at ekonomya?
Magkaagaw sa pakinabang at perwisyo ang minahan, at kailangan ang matibay na pagtitimbang ng gobyerno.
Marami na tayong batas at regulasyon upang mabawasan at mapahina ang masasamang epekto ng minahan.
May mga disenyo nang ginawa ang mga inhinyero, mahuhusay na impraestruktura at matitibay na pagtatayo, paghuhukay at impraestruktura upang mabawasan ang panganib sa buhay at ari-arian.
Kailangan magdisenyo at gumawa ng aksyong mag-iingat sa buhay at ari-arian at kung paano mgagawang di makapipinsala ang pagtatapon ng mga basurang lason at kemikal ng minahan .
Bago iwan ng mga kompanya ng minahan ang binungkal na lupa at kagubatan, mag-iwan sila ng mga trabahador na maglililinis ng polusyon at basura.
Magtanim ng mga puno, maglagay ng water treatment plant sa paglinis ng tubig at magtayo ng ospital o agad-agad na atensiyon at serbisyong medikal sa populasyon na maaapektuha ng polusyon at kontaminasyon ng tubig at hangin.
At pagrebisa sa mga batas ng pagmimina at pagpapalakas sa mga ahensiya ng gobyerno na magpapatupad ng batas kontra sa pagwasak ng likas yaman ng kapiligiran.
Kailangan na ang mabibigat na parusa sa mga traydor/kontrabida at sumisira ng likas yaman ng bansa.
***
ISA sa mabisang armas na kailangan palakasin ng ating bansa ay ang Wikang Filipino.
Yes, mahalaga po mga masugid nating tagasubaybay na iisang wika lang ang dapat na tinatangkilik at nauunawaan ng bawat mamamayan.
Tulad halimbawa sa Japan, China, Korea, Taiwan at iba pang bansa ay kanilang ikinararangal at ipinagmamalaki ang mga sariling wika, kasabay naman ay pinalalakas ang kakayahan at kasanayan sa wikang English na kinikilalang pandaigdigang wika ng lahat ng bansa.
Palakasin natin lagi na, hindi lang tuwing Buwan ng Wikang Filipino ang ating wikang pambansa.
Gawin natin ito sa araw-araw at napakalaki ng papel rito ang malayang pamamamahayag na binubukalan ng dalisay na diwa ng mamamayan.
Sa malalayang pagpapahayag, magagamit ang wikang Filipino sa pagsisiwalat ng katiwalian, pagwawasto ng mga kamalian, at pagbuo ng isang aksiyon para sa pakinabang at kagalingan ng bansa.
Isang hakbanging dapat na gawin ay umpisahan ang maramihang pagsasalin ng mga batas at iba pang talastasan sa wikang Filipino; at isabay ang paglikha ng mga bagong terminolohiya at mga salita na magagamit sa edukasyon, komuniksyon, negosyo at iba pang uri ng maayos na talastasan.
Mabisa ang Filipino sa paglalahad at pagsasabi ng nais nating ihatid sa kapwa, at ituloy rin natin ang paggamit ng wikang English bilang sandata rin natin sa malaya at mabisang ugnayan sa mga dayuhan at sa ugnayan sa mundo.
Mahalaga ang pambansang wika sa ekonomiya, edukasyon, at pamamahayag, sining, panitikan, dula, pelikula, musika, at iba pang pagtatanghal, at mabisa rin ito sa pagtatala ng mahahalagang ganap sa kasaysayan ng ating lahi at bansa.
Araw-araw, hindi lang tuwing buwan ng Agosto natin itanghal ang ating Wikang Filipino.
Palakasin natin sa puso, diwa at kilos ang pagmamahal at pagpapalago at pagpapatibay ng ating bukod tanging wika: Ang Wikang Filipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.