Barbie Imperial, ‘di takot kay Annabelle Rama, ‘di rin rason ng break up nina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati
Advertisers
Ni Anne Venancio
Iginiit ng Kapamilya actress na si Barbie Imperial na wala siyang kinalaman sa hiwalayan nina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati, sa kabila ng matitinding paratang na ibinato sa kanya online. Sa panayam niya sa vlog ni Ogie Diaz, diretsahan niyang sinabi na hiwalay na ang dating mag-asawa bago pa man sila naging malapit ng aktor.
Ayon kay Barbie, nagkakilala lamang sila ni Richard nang dumalo ito sa isang gastropub sa Alabang upang suportahan ang kaibigan nilang si Neil Arce. Sa panahong iyon, aniya, wala pa silang relasyon at nag-uusap pa lamang sila nang makunan ng video na agad kumalat sa social media, dahilan upang dagsain sila ng batikos mula sa netizens.
Paglilinaw ng aktres, malinis ang kanyang konsensiya at tanging sina Richard at Sarah lamang ang nakaaalam ng tunay na dahilan ng kanilang paghihiwalay. Iginiit niyang wala siyang kinalaman sa anumang isyung naganap sa pagitan ng dalawa.
Inamin din ni Barbie na malaki ang epekto ng kontrobersiya sa kanyang mental health. Naranasan daw niyang maapektuhan ng matinding bashing, ngunit pinili niyang manahimik upang hindi na lumala ang sitwasyon at maiwasang madamay ang mga bata.
Sa kabila nito, ibinahagi ng aktres na maayos ang kanyang relasyon sa mga anak ni Richard, pati na sa ina nitong si Annabelle Rama. Aniya, mababait at magalang ang mga bata, at maayos ang pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga magulang. Dagdag pa niya, natutunan niyang hindi dapat katakutan ang ina ng aktor dahil maayos naman ang pakikitungo nito sa kanya.