Advertisers
Ni Anne Venancio
Inamin ni Toni Gonzaga na malaking bahagi ng kanyang showbiz career ang matagal niyang pananatili bilang host ng reality show na “Pinoy Big Brother.”
Sa vlog ni Luis Manzano, binalikan ng aktres at TV host ang halos dalawang dekadang panahon na inilaan niya sa programa, na aniya’y puno ng aral at walang pagsisisi.
Nang tanungin kung nami-miss ba niya ang show, inihalintulad ni Toni ang sagot sa pakiramdam tungkol sa mga dating karelasyon. Aniya, mahalagang bahagi iyon ng nakaraan, ngunit hindi na kailangang balikan. Ang “PBB” ay isang yugto lamang ng kanyang buhay kung saan ibinigay niya ang lahat ng kanyang makakaya, kaya’t wala siyang pinanghihinayangan.
Mahigit 15 taon siyang naging mukha ng programa, at dito raw siya tunay na nahasa bilang host.
Matatandaang nagpaalam siya sa programa noong Pebrero 2022, kasabay ng mga kontrobersiyang kinasangkutan at ang pagsasara ng ABS-CBN.