Advertisers
INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 21 priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa ginanap na 3rd Full Meeting ng 20th Congress na target maipasa bago matapos ang Hunyo ngayong taon.
Sinasabing nakatuon ang mga panukalang ito sa pagpapagaan ng gastusin ng publiko at pagpapalakas ng integridad, transparency, at pananagutan sa pamahalaan.
Ayon kay PBBM, mahalaga ang mabilis na pag-usad ng mga panukala upang direktang maramdaman ng mamamayan ang benepisyo ng mga reporma sa batas.
Kabilang sa mga tinutukoy na hakbang ang mga repormang may kinalaman sa buwis, digital safety at proseso ng halalan.
Nasa listahan ng prayoridad ang panukalang pag-alis ng travel tax, pagpapalawak ng batas laban sa online sexual abuse & exploitation of children at mas mahigpit na regulasyon kontra fake news at digital disinformation.
Layunin nitong palakasin ang proteksyon sa mga vulnerable sector at ayusin ang daloy ng impormasyon sa digital space.
Kasama rin sa itinutulak ang pagsasagawa ng BARMM Elections upang matiyak ang maayos at kapani-paniwalang halalan sa rehiyon. Tinitingnan ito bilang mahalagang hakbang sa pagpapatibay ng lokal na pamamahala at representasyon.
Binigyang-diin naman ng Pangulo ang kahalagahan ng mga panukalang may kinalaman sa repormang pampulitika, gaya ng Anti-Political Dynasty Law, CADENA Act, Independent People’s Commission Act, at Party-List System Reform Act na naglalayong palawakin ang partisipasyon at boses ng mamamayan sa sistema.
Samantala, kumpiyansa ang Malakanyang na sa tulong ng koordinasyon ng ehekutibo at lehislatura, ang mga priority measure na ito ay maisasabatas sa takdang panahon at magdudulot ng kongkretong pakinabang sa publiko. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)