Advertisers
Ni Anne Venancio
Muling napabalita ang dating child actor na si Jiro Manio matapos niyang ibenta ang isa pa niyang acting trophy sa content creator na si Boss Toyo. Sa vlog ng “Pinoy Pawnstars” na inilabas noong Pebrero 4, ibinahagi ng 33-anyos na aktor ang dahilan ng pagbebenta at ang kasalukuyang kalagayan niya sa buhay.
Ayon kay Jiro, wala pa rin siyang regular na trabaho sa mainstream showbiz at umaasa lamang sa guestings at maliliit na raket. Inamin niya na matagal siyang nawala sa industriya at nawalan ng kita, negosyo, at mga kontak, kaya patuloy pa rin ang kanyang pagbawi sa personal at propesyonal na buhay.
Ang ibinenta niyang tropeo ay ang kanyang unang Best Child Actor award mula sa Metro Manila Film Festival para sa pelikulang “Bagong Buwan” noong 2002. Para sa kanya, mahalaga ang parangal na ito dahil ito ang pinakaunang pagkilala sa kanyang karera bilang batang artista.
Una niyang inialok ang tropeo sa halagang P500,000, ngunit kalaunan ay napagkasunduan ang halagang P75,000. Matatandaang nauna na niyang ibenta ang kanyang Gawad Urian Best Actor trophy para sa pelikulang “Magnifico.”
Nagsimulang umarte si Jiro sa edad na 7 at nakilala sa mga proyektong “Mila,” “Foster Child,” at “Spirits,” ngunit natigil ang kanyang karera dahil sa personal na suliranin, kabilang ang rehabilitasyon at pagkawala ng suporta sa industriya.