Advertisers
Ni Anne Venancio
Aminado ang aktres na si Angelica Panganiban na hindi niya maiwasang ma-offend sa ilang baguhang artista na hindi umano namamansin kapag nagkakasalubong o magkakasama sa proyekto.
Ayon sa aktres, mahalaga para sa kanya ang simpleng pagbati bilang anyo ng respeto at common courtesy, kahit hindi man maging malapit o pamilyar sa isa’t isa.
“Ako kasi nao-offend talaga ako ‘pag hindi namamansin,” ani Angelica.
Dagdag pa niya, marami na siyang nakasalamuha na mga baguhang artista na hindi bumabati, kaya minsan ay nagugulat siya sa ganitong asal sa loob ng industriya.
Ikinumpara rin ng aktres ang sitwasyon noon at ngayon, kung saan noong siya ay nagsisimula pa lamang sa showbiz, siya mismo ang lumalapit at nagpapakilala sa mga beteranong artista bilang tanda ng respeto at professionalism.
Giit ni Angelica, mahalaga ang maayos na pakikitungo mula pa lamang sa pagsisimula ng karera sa showbiz upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at mapanatili ang magandang reputasyon sa industriya.