Advertisers

Advertisers

50 katao ‘missing’ sa pagguho ng landfill sa Rizal

0 15

Advertisers

TINATAYANG nasa 50 katao ang nawawala nang gumuho ang bahagi ng tambakan ng basura sa Sitio 1B Harangan, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal noong Biyernes, Pebrero 20, ayon sa mga residente at progresibong grupo.
Ayon sa urban poor advocate na Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), 2:00 ng hapon ng Biyernes nang mangyari ang pagguho na nakaapekto sa halos 100 katao.
Kabilang sa apektado ang mga mangangalakal ng basura na naroon sa loob ng pribadong operator ng Rizal Provincial Sanitary Landfill na International Solid Waste Integrated Management Specialist, Inc. (ISWIMS).
Sinabi ni Mimi Doringo, secretary-general ng KADAMAY, nakapanayam nila ang ilang pamilya na may nawawalang kaanak.
Ayon kay Doringo, dalawang batang magkapatid ang nakaligtas nang matabunan ng basura nang mahigit isang oras.
Sinabi rin ni Doringo na batay sa kanilang mga nakausap, tinatayang nasa 50 katao ang hindi pa nakikita, bagama’t aminado siyang wala pa silang kumpletong datos.
Ibinahagi rin ng grupo na may mga pamilyang umano’y inalok ng pera upang hindi magsalita tungkol sa insidente.
Ayon pa sa kanya, may mga residente natatakot magsalita dahil sa pangambang mawalan ng hanapbuhay.
Nanawagan ang grupo ng agarang rescue operations, bukas na imbestigasyon, at pananagutan ng operator ng landfill at ng lokal na pamahalaan kung may pagkukulang sa kaligtasan.
Ikinababahala rin ng mga residente ang banta ng demolisyon sa komunidad na tinitirhan ng halos 1,000 pa-milya na umaasa sa pamamasura ang kabuhayan.