Advertisers

Advertisers

Bulacan Gov. Fernando lagot sa NLEX road rage; mga armas at sasakyan pinasusuko ng DILG

0 22

Advertisers

IIMBESTIGAHAN ng Land Transportation Office (LTO) si Bulacan Governor Daniel Fernando kaugnay ng pang-aabuso at road rage incident sa North Luzon Expressway (NLEX), matapos utusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isumite ang kanyang mga armas, security escorts, at mga sasakyang sangkot sa insidente noong Sabado.
Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kinontak niya si Fernando nang makatanggap ng ulat na hinarangan ng convoy ng Bulacan Capitol ang isang presidential son sa NLEX.
“It doesn’t matter if it was a presidential son or not. Naging ugali na ni Gov. Fernando na kapag nabiyahe siya ng NLEX ay 4 na lane ang occupied niya na walang puwedeng mag-overtake,” ani Remulla.
“Daig pa ang presidente kung bumiyahe. So regardless kung sino ang naging victim that was wrong,” dagdag niya.
Nauna nang itinanggi ng Malacañang na may anak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hinaras sa expressway, at sinabi ni Remulla na hindi niya kinukumpirma ang naturang ulat.
Gayunman, sinabi ni Remulla na nakatanggap siya ng ulat tungkol sa road rage incident na may kaugnayan sa paggamit ni Fernando ng expressway.
Tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye dahil ang LTO ang nangunguna sa imbestigasyon.
Samantala, inatasan ng DILG si Fernando na isuko ang mga baril na nakapangalan sa kaniya, ganun din ang mga baril ng kaniyang escorts at mga sasakyan na sangkot sa road rage sa NLEX.
(Boy Celario)