Advertisers
UMAABOT sa P6.6 bilyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa isang clandestine shabu laboratory sa loob ng bodega sa Valenzuela City, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon sa PDEA nitong Miyerkoles, isinagawa ang buy-bust operation Pebrero 22, katuwang ang Philippine National Police (PNP), na una nang iniulat ang pagkakaaresto sa 30-anyos na suspek na si alyas “JP”.
Nahuli ang suspek matapos umanong magbenta ng 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa isang undercover operative.
Mula rito, natunton ng mga awtoridad ang kalapit na bodega na matagal nang minamanmanan.
Kabilang sa nasamsam sa operasyon ang 906.41 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6.16 bilyon at 64.15 litro ng liquid methamphetamine na may halagang P436.22 milyon, bukod pa sa mga kemikal at kagamitan sa paggawa ng ilegal na droga.
Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, isa ito sa pinakamalaking pagkakadiskubre ng drug laboratory sa mga nagdaang taon. (Beth Samson)