Advertisers
Ni Anne Venancio
Inamin ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez na nakararanas siya ng matinding anxiety tuwing umaakyat sa entablado, na nagdudulot umano ng “heartbreaking” na pakiramdam at nakakaapekto sa kanyang kasiyahan sa pagpe-perform.
Ayon sa kanyang post sa social media platform na X (formerly Twitter) noong Pebrero 19, labis siyang nabahala bago ang konsiyerto ng international singer na si Josh Groban noong Pebrero 18, kung saan isa siya sa mga celebrity guests. Dahil sa sobrang nerbyos, nakalimutan niyang kumain sa buong araw bago ang pagtatanghal.
Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na nakararanas siya ng ganitong pagkabalisa; naranasan din niya ito sa kanyang regular na paglabas sa Kapamilya musical-variety show na ASAP.
Bumuhos ang suporta mula sa kanyang mga kapwa mang-aawit, kabilang sina Darren Espanto, Julie Anne San Jose, Zsa Zsa Padilla, at Erik Santos, na nagpahayag ng pagpupuri at pag-aalalay sa kabila ng kanyang pinagdaraanan.
Nagpasalamat si Velasquez sa walang sawang suporta ng kanyang fans, na patuloy na nagbibigay inspirasyon at lakas sa kanyang musika at mga pagtatanghal.