Advertisers
TRAPONG trapo (traditional politician) ang mga galawan nitong dating “wonderboy” ni ex-President Gloria M. Arroyo na si Mike Defensor.
Kaso maituturing na isa na siyang laos na trapo, na ginagawa ang lahat para siguro makabalik sa kapangyarihan.
Nang magpa-press conference ang 18 “Marines” kasama ang pribadong abogado na si Levi Baligod kamakailan, isiniwalat nila ang pagdadala kuno ng male-maletang pera sa ilang politiko kabilang na si Pangulong “Bongbong” Marcos, agad bumida si Defensor. Sinabi niyang may isang batch pa ng Marines ang lalantad para ibunyag ang katiwalian ni PBBM at mga opisyal nito.
Ngunit nang mabuking na puros kalokohan lang pala ang mga detalye ng isiniwalat ng naturang “Marines”, na nahalatang nagsasalita lang mula sa mga dikta o kumpas ni Baligod, biglang nagbago ang timpla ni Defensor. Wala raw siyang kinalaman dito. Tanging si Baligod lang daw ay may gawa nito. Araguy!!!
Ito’y matapos magreak si ex-Senador Antonio Trillanes sa pagdawit sa kanyang pangalan at sa International Criminal Court, na umano’y sinuhulan para idiin sa kinakaharap na kaso si ex-President Rody Duterte, na kanyang idedemanda ang 18 Marines lalo na sina Baligod at Defensor.
Maging si Baligod ay nag-tone down, lalo na sa pagdawit kay dating Senador Leila de Lima na diniliberan daw ng ilang maleta ng pera noong 2022. Eh nung panahon na iyon ay nakakulong pa si De Lima dahil sa mga gawa-gawang kaso ni Digong. Nakalaya lamang si De Lima taon 2023. Kaya napakaimposibleng madeliberan ito ng pera noong 2022.
Palusot ni Baligod na-oversight lang daw niya si De Lima. Hehehe…
Lalo pang naging malabo ang “expose” nina Baligod at ng 18 “Marines” nang sumahin ni Senador Ping Lacson ang sinasabing halaga na diniliber ng mga dating sundalo kina PBBM mula sa kickbacks sa flood control projects.
Ani Lacson, ang naging pondo sa flood control ay higit P1 trilyon, at kung ang higit P800 billion na kickback kuno ay napunta nga kay PBBM, nasa 70 porsiyento na ang nawala sa pondo, eh daan-daang milyong peso rin ang nakupit ng ilang DPWH officials na sina ex-Usec. Bernardo, ex-Engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, JP Mendoza at ilan pang engineers sa DPWH Bulacan, plus ang mga “kickback” nina Senador Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, Chiz Escudero, ex-Sen. Bong Revilla, ex-Sen. Nancy Binay, lalabas na ilang milyon nalang ang matitira sa naturang pondo ng flood control.
Kaya sabi ni Lacson. Malayo sa katotohanan ang mga isiniwalat nina Baligod. Mismo!
Inihayag naman ng Philippine Navy na apat sa 18 “Marines” ay ‘di naging Marine, ang apat ay maayos na nagretiro, at ang mga natitira ay puros “dishonorably” discharged.
Ang naturang Marines ay mga kasamahan daw ni retred Marine Orly Guteza na biglang naglaho, can’t be reach hanggang ngayon, matapos mag-testify sa Senate inquiry hinggil sa mga kickback at delivery ng male-maletang pera sa mga personalidad.
Sina Defensor at Sen. Rodante Marcoleta ang nasa likod ni Guteza.
Marami pang fake witnesses ang lalabas. Abangan!