Advertisers

Advertisers

Madriaga, gigisahin ng Kamara sa Impeachment laban kay Sara

0 53

Advertisers

Makikipag-ugnayan ang House of Representatives sa korte at sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang tiyakin ang seguridad at posibleng pagdalo ng nakakulong na testigo na si Ramil Madriaga sakaling imbitahan siyang tumestigo sa mga paglilitis kaugnay ng impeachment laban kay Sara Duterte.
Nilinaw ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, tagapangulo ng House Committee on Public Accounts at kasapi ng Committee on Justice, na nasa hurisdiksyon ng korte si Madriaga. Ang korte ang may pananagutang tiyakin ang kanyang seguridad, kasama ang pasilidad ng BJMP sa Taguig City kung saan siya kasalukuyang nakadetine.
“Ako’y naniniwala na kailangang makipag-ugnayan ang Kongreso sa korte at sa BJMP upang masiguro ang kaligtasan ni G. Madriaga at, kung iimbitahan siya ng Kamara, at makadalo siya sa mga pagdinig,” ani Ridon sa Saturday Media Forum sa Quezon City.
Si Madriaga, na inilarawan sa mga reklamong impeachment bilang umano’y “bagman” ng Bise Presidente, na nakakulong kaugnay ng hiwalay na kasong kriminal na nakabinbin sa isang trial court.
Isinumite ang kanyang sinumpaang salaysay (affidavit) bilang bahagi ng mga reklamong impeachment at itinuturing na mahalagang bagong ebidensya.
Ayon sa mga nagreklamo, nakasaad sa affidavit na si Madriaga na nagsilbing tagapamagitan sa umano’y paghawak at paggalaw ng confidential at intelligence funds na inilaan sa Office of the Vice President at sa Department of Education (DepEd) noong kalihim pa nito si Duterte.
Iniulat na nakadetalye rito kung paano winithdraw o inilipat ang ilang pondo, ang mga pangalan ng mga taong umano’y sangkot, at ang mga dokumentong sumusuporta sa alegasyong isinagawa ang mga transaksyon nang may kaalaman o pahintulot ng Bise Presidente.
Sinabi ni Ridon na ang affidavit ni Madriaga ang pinakamahalagang bagong pangyayari sa kasalukuyang kaso ng impeachment.
“Susuriin namin nang mabuti ang lahat ng alegasyon, lalo na ang mga bagong paratang ni Ramil Madriaga. Napakahalaga na masusing maeksamin ang lahat ng kanyang binanggit na alegasyon at nilalaman ng kanyang affidavit,” aniya.
Gayunman, iginiit ni Ridon na hindi pa maaaring ipatawag si Madriaga upang tumestigo hangga’t hindi pa natutukoy ng House Committee on Justice ang sufficiency in form at sufficiency in substance ng mga reklamo.
“Sa puntong ito, kailangang malampasan muna ng mga complainant at endorsers ang pagtukoy kung sapat ang reklamo sa porma at sa nilalaman,” paliwanag ni Ridon.
Aniya, kapag natugunan ang dalawang rekisito, bibigyan ng pormal na pagkakataon ang Bise Presidente na sumagot bago magsimula ang ganap na pagdinig.
“Magkakaroon na ng pormal na proceedings at mga pagdinig ang House Committee on Justice. Doon na natin maaaring ipatawag si Ramil Madriaga at maaari ring humiling ng karagdagang dokumento at iba pang papeles mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno,” dagdag ni Ridon.