Advertisers

Advertisers

CONG. MARCOS: GAWING KRIMEN ANG ‘ROAD RAGE’

0 11

Advertisers

NAGHAIN ng panukalang batas si House Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos ng Ilocos Norte upang ituring na isang krimen ang road rage, higpitan ang parusa laban sa agresibo at mapaghiganting pagmamaneho, at magbigay ng malinaw na mensahe na ang mga pampublikong kalsada ay hindi lugar para sa pananakot, pagbabanta at karahasan.
Layunin ng House Bill (HB) No. 8190 o ang “Anti-Road Rage Act” na magtakda ng malinaw na hangganan sa pagitan ng karaniwang paglabag sa trapiko at sinadyang mga kilos na naglalagay sa panganib sa buhay ng iba.
Ayon kay Marcos, nakabatay ang panukala sa pangunahing prinsipyo ng kaligtasan ng publiko: kapag ang galit ay nadadala sa kalsada, hindi lamang ang dalawang taong sangkot ang naaapektuhan kundi pati mga inosenteng commuter, pasahero at pedestrian.
“Hindi natin maaaring hayaan na magpatuloy ang road rage sa ating mga kalsada, dahil ang isang padalus-dalos na desisyon ay maaaring mauwi sa panghabambuhay na trahedya para sa isang inosenteng pamilya,” ani Marcos.
Sa ilalim ng HB 8190, tinutukoy ang road rage bilang anumang sinasadya at agresibong kilos ng isang driver o sakay ng sasakyan na nag-ugat sa insidente sa trapiko, na may layuning manakot, magbanta, manggipit, gumanti o manakit ng kapwa gumagamit ng kalsada, at lumilikha ng malinaw at kasalukuyang panganib sa buhay, katawan o ari-arian.
Kabilang sa mga gawaing sakop ng panukala ang pagmamanehong naglalagay sa panganib sa iba, paggamit ng sasakyan bilang pananakot o panghabol, at pagbabanta o pananakit kaugnay ng alitan sa trapiko.
Binigyang-diin ni Marcos na mahalaga ang malinaw na depinisyon upang magkaroon ng mas matibay na batayan ang mga enforcer at piskal sa pagharap sa mga insidenteng nagsisimula sa simpleng alitan sa kalsada ngunit nauuwi sa habulan, harangan at karahasan na maaaring magdulot ng pinsala o kamatayan.
Sa usapin ng parusa, itinatakda ng panukala ang pagkakakulong ng anim na buwan at isang araw hanggang isang taon o multang P20,000 hanggang P100,000, o pareho, kung walang naidulot na pinsala, sugat o kamatayan.
Kung magresulta naman ito sa pinsala sa ari-arian o pisikal na injury, tataas ang parusa sa dalawa hanggang apat na taong pagkakakulong o multang P100,000 hanggang P200,000, o pareho.
Kung magdulot ang insidente ng dalawa o higit pang less serious physical injuries, o serious physical injury o kamatayan, sasampahan ang nagkasala ng kaukulang kaso sa ilalim ng Revised Penal Code, na ipapataw sa pinakamataas na antas ng parusa, bukod pa sa karagdagang multang P200,000 hanggang P500,000.
Hindi rin nito inaalis ang pananagutang sibil para sa danyos.
Upang matugunan ang ugat ng problema, oobligahin ang lahat ng lalabag na dumaan sa anger management training na itatakda ng hukuman, sa pakikipag-ugnayan sa Metropolitan Manila Development Authority at Philippine National Police.
Mayroon ding mga nagpapabigat na sirkumstansya na magreresulta sa pinakamataas na parusa, gaya ng paggamit o pagdadala ng nakamamatay na sandata o baril (lisensyado man o hindi), paggamit ng bagay na kunwaring baril, at kung ang biktima ay menor de edad, buntis, senior citizen, o persons with disability. Sakop din nito ang mga unipormadong tauhan na may tungkuling magpanatili ng kaayusan.
Sa usapin ng lisensya, agad na masususpinde ang lisensya ng akusado habang iniimbestigahan ang kaso, at kapag napatunayang may sala, tuluyan siyang madidiskuwalipika sa pagkuha o paghawak ng driver’s license.
Kung may lisensyang magdala ng baril ang nagkasala, awtomatiko itong babawiin at hindi na siya muling makakakuha ng lisensya para magdala ng baril.
Ayon kay Marcos, layunin ng panukala na tiyakin ang pananagutan na may kaparusahan at pagwawasto, lalo na sa panahong laganap ang viral road rage videos na tila nagno-normalisa ng pananakot at ginagaya ng iba.
Sa ilalim ng panukala, ang Philippine National Police, katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority, Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, at Department of Justice, ay maglalabas ng implementing rules and regulations sa loob ng 90 araw mula sa bisa ng batas. Magkakabisa ang panukala 15 araw matapos itong mailathala.