Advertisers

Advertisers

PBBM POWER NA BAWASAN FUEL EXCISE TAX, APRUB SA KAMARA

0 10

Advertisers

Inaprubahan ng House of Representatives of the Philippines sa ikalawang pagbasa ang isang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na pansamantalang suspendihin o bawasan ang excise tax sa fuel kapag may pambihirang sitwasyon na nagdudulot ng biglaang pagtaas ng presyo na nakaaapekto sa pamasahe, pagkain, at gastusin ng mga pamilya.
Ayon kay Ferdinand Alexander ‘Sandro’ Marcos, Majority Leader ng Kamara at kinatawan ng Ilocos Norte, na isa sa mga may-akda ng panukala kasama si Faustino ‘Bojie’ Dy III, ginawa ang panukalang batas para magamit sa mga panahong may malalaking kaguluhan sa pandaigdigang ekonomiya na mabilis na nagtutulak pataas sa presyo ng langis.
“Nagbibigay ang panukalang ito sa Pangulo ng maingat na paraan upang maibsan ang biglaang pagtaas ng presyo, na may malinaw na batayan, limitasyon at obligasyong mag-ulat kapag sobrang taas na ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin. Proteksyon ito sa mga mamamayan laban sa biglaang pagsirit ng presyo,” diin ni Marcos.
Ang panukala, na nakapaloob sa House Bill No. 8418, ay naglalayong amyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997 upang pahintulutan ang Pangulo na suspendihin o bawasan ang excise tax sa petroleum products sa panahon ng pambansa o pandaigdigang krisis pang-ekonomiya. Layunin nitong makapagbigay agad ng tulong nang hindi na kailangang maghintay ng ilang buwan para sa panibagong batas habang may krisis.
Ayon kina Marcos at Dy, bahagi ito ng pagsisikap ng Kamara na maging handa ang pamahalaan sa biglaang pagtaas ng presyo na dulot ng mga pangyayari sa ibang bansa, tulad ng mga digmaan o pagkagambala sa suplay ng langis sa buong mundo na nagreresulta sa pagtaas ng presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin sa bansa.
Sa deliberasyon sa plenaryo, ipinagtanggol ni Miro Quimbo, chairman ng House Committee on Ways and Means, ang panukala at iginiit na hindi ito walang limitasyon at may mga safeguard upang maprotektahan ang mamimili at ang pananalapi ng gobyerno.
Sa ilalim ng panukala, maaari lamang gamitin ng Pangulo ang kapangyarihang ito kung may rekomendasyon mula sa Development Budget Coordination Committee at sa koordinasyon ng Kalihim ng Enerhiya, at kung may isa sa dalawang kundisyon.
Una, kapag ang presyo ng Dubai crude oil, batay sa Mean of Platts Singapore, ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan bago ipalabas ang kautusan ng suspensyon o pagbabawas.
Ikalawa, kapag may idineklarang state of national emergency o kalamidad at nagdulot ito ng pambihirang pagtaas ng presyo ng gasolina sa bansa, na kailangang sertipikahan ng Kalihim ng Enerhiya.
Maaaring ipatupad ng Pangulo ang buong suspensyon o bahagyang pagbabawas ng buwis sa piling petroleum products depende sa lawak ng pagtaas ng presyo at sa tulong na kinakailangan.
Upang maiwasan ang pang-aabuso at maprotektahan ang kita ng pamahalaan, nililimitahan ng panukala ang bisa ng suspensyon o pagbabawas sa hanggang anim na buwan, maliban na lamang kung palawigin o tapusin ito nang mas maaga ng Kongreso sa pamamagitan ng joint resolution. Hindi rin maaaring lumampas sa isang taon sa kabuuan ang ganitong hakbang.
Itinatakda rin sa panukala na awtomatikong ibabalik ang excise tax sa oras na matapos ang itinakdang panahon o kapag wala na ang pambihirang kondisyon.
Para sa transparency, kinakailangang magsumite ang Pangulo, sa pamamagitan ng Kalihim ng Pananalapi, ng ulat sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa loob ng 15 araw mula nang ipalabas ang kautusan at mag-ulat buwan-buwan pagkatapos nito. Nakasaad sa ulat ang batayan ng desisyon, tinatayang mawawalang kita ng gobyerno at epekto nito sa inflation, presyo ng gasolina at iba pang aktibidad ng ekonomiya.
Inaatasan din ng panukala ang Department of Finance, Department of Budget and Management, Department of Economy, Planning, and Development, Department of Energy at Bangko Sentral ng Pilipinas na maglabas ng implementing rules sa loob ng 15 araw mula nang maging epektibo ang batas, kasama ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs, upang matiyak ang maayos at malinaw na pagpapatupad nito.
Ayon kay Marcos, minadali ng Kamara ang pag-usad ng panukala bilang paghahanda sa mga biglaang pagtaas ng presyo na agad nararamdaman ng mga pamilya sa gasolina, palengke at pang-araw-araw na pamasahe.
“Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Dy, kumikilos kami nang may disiplina at agarang aksyon dahil ang mga gastusing tumatama sa mga pamilya ay hindi naghihintay ng pulitika. Ang trabaho namin ay tiyaking handa ang mga opsyon at maihatid agad ang tulong sa mamamayan,” ani Marcos.