Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
TIYAK na makaka-relate ang mga Pinoy na mahilig sa beauty contest sa pelikulang “All About Her” na entry sa 8th Sinag Maynila Independent Film Festival (Full Length Film Category).
Ito’y mula sa pamamahala ng award-winning direktor na si Joel Lamangan at sa screenplay ni Quinn Carrillo.
Ayon kay direk Joel, ang pelikula ay hinggil sa dalawang babae na naghahangad na maging reyna ng isang beauty pageant.
Sinabi niya kung bakit dapat panoorin ang kanilang pelikula.
Wika ng award-winning director, “Dapat panoorin ninyo ito dahil makikita ninyo ang mga katotohanang nangyayari sa beauty contest. Iyong mga hindi tinatalakay sa news, dito malalaman ninyo ang nangyayari sa loob ng beauty contest.”
Ang pelikula ay sumasalamin sa mga tunay na kaganapan sa mga beauty contest na interesadong-interesado lagi ang maraming Pinoy. Karamihan ng mga elementong nangyayari sa mga beauty contest ay makikita rito, tulad ng dayaan, gamitan, exploitation, at iba pa.
Ang All About Her ay isang drama-thriller movie tungkol sa hiwagang bumabalot sa pagkamatay ng isang beauty queen.
Ang All About Her ay pinagbibidahan nina Yuki Sonoda, Kelley Day, at Tony Labrusca.
Kamusta ang performance ng lead stars ng kanilang pelikula?
Tugon ni Direk Joel, “Ngayon lamang ako gumawa ng pelikula na ang lahat ng kasama ko ay baguhan at natutuwa ako sa karanasan dahil surprisingly ay magagaling silang lahat.
“Mahuhusay ang performances nilang lahat, lalaki at babae, mahuhusay silang lahat dito sa aking nagawang pelikulang ito. Maipagmamalaki ko silang lahat, mahuhusay sila,” diin pa ni Direk Joel.
Tampok din dito sina Itan Rosales, Marco Gomez, Angelica Cervantes, Pancho Magno, at Jim Pebanco. Hatid ng 3:16 Media Network, executive-producers dito sina Ms. Len Carrillo, Melanie Uy, Mike Lazo, at Jharvis Ong.
Ang Sinag Maynila ay mapapapanood sa mga piling sinehan sa Metro Manila mula March 23-29, 2026. Kabilang dito ang mga sinehan sa Gateway Cineplex, Eastwood Cinemas, Uptown Cinemas, Venice Cineplex, at Lucky Chinatown Cinemas.