Advertisers
Ni Anne Venancio
Gaganapin sa July 31 sa New Frontier Theater ang kauna-unahang solo concert ng “Star of the New Gen” na si Jillian Ward, na itinuturing niyang pinakamalaking break sa kanyang music career at live performance journey.
Ayon kay Jillian, puspusan ang kanyang paghahanda para sa naturang concert, kabilang ang voice lessons, dance rehearsals, at physical conditioning tulad ng jogging upang mapanatili ang lakas at stability ng kanyang boses habang kumakanta at sumasayaw.
“Very excited po ako kasi passion ko talaga ang performing. Pero ngayon, mas seryoso na po ang preparation ko,” pahayag niya.
Inamin din ng aktres na may halong kaba ang kanyang nararamdaman dahil ito na ang una niyang full production solo concert, na mas malaki at mas seryoso kumpara sa mga dati niyang guest performances.
Isa rin sa inaabangan ng fans ay kung sino si “mystery Big Guy” na madalas i-post sa social media account ng aktres. May mga hula mula sa netizens na si Emman Pacquiao umano ito.
Bukod sa concert, abala rin si Jillian sa kanyang action-drama series na ‘Never Say Die’ kasama si David Licauco kung saan kinakiligan ang kanilang pool scene.