Advertisers

Advertisers

Ombudsman, pinag-aaralan kung ipatatawag si VP Sara ukol sa mga kinakaharap na reklamo

0 12

Advertisers

PINAG-AARALAN ngayon ng Office of the Ombudsman ang posibilidad sa pagpapatawag kay Vice President Sara Duterte ukol sa mga reklamong kinakaharap nito sa tanggapan.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo kay Assistant Ombudsman at Spokesperson Atty. Mico Clavano, kanyang ibinahagi na kasalukuyan pa nila itong tinitingnan maigi.

Maingat daw ang Ombudsman sapagkat sa oras na umakyat na sa ‘preliminary investigation stage’ ang mga kaso ay dire-diretso na ito sa pagbibigay ng rekomendasyon.



Kung kaya’t sinusuri pa ng opisina ang nararapat gawin nang hindi isinasantabi at may konsiderasyon sa nagpapatuloy na pagdinig ng Kamara sa ‘impeachment’ kontra sa ikalawang pangulo.

Sinabi ni Assistant Ombudsman Clavano, maari nilang isumite o ipadala ang resulta ng ‘fact finding’ sa kongreso alinsunod sa ‘impeachment proceedings’ nito.



Subalit binigyang diin ng opisyal na hindi hihinto ang imbestigastion kahit pa dinidinig ang ‘impeachment’ sa kongreso.

Sa ngayon ay nasa ‘fact finding stage’ pa lamang ang mga reklamong inihain sa tanod-bayan laban kay Vice President Sara Duterte.



Nahaharap si VP Sara sa reklamong graft, plunder, korapsyon at iba pa na inihain ng ilang civil society groups at indibidwal kabilang si former Sen. Antonio Trillanes IV.

Pagtitiyak naman ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na mabibigyan pagkakataon magpaliwanag lahat ng inaakusahan o sinampa-han ng reklamo sa tanggapan.

Pati mga indibidwal na may isusuplong o isusumbong ay makasesegguro umanong pakikinggan ayon kay Ombudsman Remulla.

Kaugnay sa kinakaharap na ‘impeachment’ ng ikalawang pangulo, nauna ng sinabi ng Ombudsman kanilang susundin ang ipinadalang ‘subpoena’ ng House Justice Committee.

Handa anilang ibigay ang kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente sa pagtupad ng responsibilidad sundin ang nakasaad sa batas.