Advertisers
KUNG susuriin, tila walang pakialam si BBM sa pulitika ng bansa. Hanggang maaari, umiiwas siya sa kontrobersya. Hindi maalis na isipin ng maraming kababayan na mahina si BBM bilang pangulo ng bansa. Walang liderato, sa maikli.
Pero hindi totoo iyan. Tuso si BBM. Hindi siya malayo ng ama na naging pangulo at diktador ng bansa sa loob ng 20 taon. Nasasalat ni BBM ang sitwasyon at alam kung paano kakamadahin upang siya ang mangibabaw sa huli.
Alam niya ang kahinaan nga bawat manlalaro sa pulitika ng bansa. Batid niya kung paano sila pagtapat-tapatin at pagbangga-banggain upang magbigay ng magandang laro at aliwin ang sambayanan. Hindi totoo na lumpong pato (lameduck) si BBM. Kumagat ang mga pulitiko sa kanyang patibong.
Batid ni BBM na salapi ang kahinaan ng mga pulitiko na galing sa mga malaking dinastiya tulad ni Misfit Sara, Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Joel Villanueva, at kahit si Tricky Tsis. Hinayaan niya ang mga ito na makalapit sa kaban at makakulimbat ng salapi ng bayan. Pero alam niya kung paano sila bibitagin, hahabulin, at papanagutin sa huli.
Pinapasok ni BBM ang mga tiwaling pulitiko sa bitag, sa maikli. Sila ang mga gahaman sa salapi ng bayan. Ngayon, hindi nila malaman kung paano aalis sa pain. May kanya-kanyang sabit ang bawat isa at kapag hinataw sila ng batas, hindi sila malayo sa mga leon na binungi ng kamalasan.
Humaharap sa paglilitis si Misfit Sara sa Senate impeachment court. Kasama sa Articles of Impeachment ang hindi niya naipaliwanag na paglustay sa P612 milyon confidential fund na ibinigay sa kanya bilang pangalawang pangulo at kalihim ng Deped.
Gumugulong rin ang sakdal na plunder laban kay Tricky Tsis. Hindi nalalayo si Jinggoy Estrada at Joel Estrada. May gumugulong na sakdal sa kanila. Maaari silang makulong dahil nonbailable ang plunder. Pangatlong beses na kung sakaling makulong si Jinggoy. Biglang nagkaroon ng prinsipyo si Jinggoy kaugnay sa banta na ikukulong siya.
May gumugulong na sakdal na plunder at indirect bribery sa Office of the Ombudsman laban kay Rodente Marcoleta, ang maingay na senador na naging bantog sa mali-maling unawa at pagbaluktot sa batas. Noong Martes, nagbaba ang gobyerno ng preventive hold departure order laban kay Rodente. Hindi siya makakaalis ng bansa.
Kinilala si Rodente sa kawalan ng kahihiyan kahit walang batayan sa batas ang ipinaglalaban. Hindi nahiya si Rodente na baligtarin ang letra ng batas upang isulong ang pakay na ilusot ang mga kriminal tuld na pagtatanggol niya sa mga Discaya.
Ipinagmagaling ni Rodente na hindi kailangan isauli ng mga Discaya ang kanilang kinulumbat upang maging state witness. Pinagtawanan si Rodente sa kakatwang katwiran dahil hindi totoo na wala sa batas ang isauli ang ninakaw. Iyan ang pangunahing hinihingi ng batas – isauli muna ang ninakaw bago maging state witness.
Alam ni BBM ang sabit ni Gongdi, Bato dela Rosa, Bong Go, at mga tiwaling heneral at opisyales ng PNP sa madugo pero palpak na digmaan kontra droga kung saan basta pinatay ang libo-libo mahihirap dahil lang sa hinala na sangkot sila sa kalakalan ng droga. Nang dumating sa punto ng kasukdulan ang proseso ng ICC, hindi ito hinarang ni BBM.
Hinayaan niya na sumulong ang proseso kahit sinabi na hindi nakikialam ang gobyerno dahil tumiwalag noong 2019 ang Filipinas bilang kasapi ng Rome Statute, ang tratado na lumikha sa International Criminal Court. Hindi naging mahirap kay BBM na isuko si Gongdi sa ICC. Hindi na makapag-ingay si Gongdi dahil bilanggo na siya ng ICC.
Ngayon, nagtatago si Bato dahil sa labis na karuwagan at pagtangging harapin ang pananagutan sa war on drugs ni Gongdi. Kinakabahan si Bong Go dahil nabalita na may lumabas na arrest warrant ang ICC laban sa kanya. Maaaring sumabit rin siya sa sakdal na plunder.
Si Bato ang nagpatupad ng war on drugs ni Gongdi at si Bong Go ang nagpondo sa programa na isumpa ng sangkatauhan dahil sa kawalan ng batayang legal.
Alam ni BBM kung paano nilustay ni Alan Peter Cawatano ang P11.5 bilyon pondo ng 2019 SEA Games. Hindi ito ganap na hinukay kahit walang isinumiteng financial statement si Cawatano. Siya ang hinirang ni Gongdi bilang pinuno ng 2019 SEA Games.
Gayunpaman, maaaring sumulong ang imbestigasyon at sakdal na obstruction of justice laban kay Cawatano at Camoteng Robin Padilla. Sila ang nagplano at nagsabwatan umano upang patakasin si Bato na lumantad upang bumoto ng pabor kay Cawatano.
Dahil nahaharap sa mga sabit ang ilang senador at makukulong sila. Ang unang tatamaan ay ang liderato ni Cawatano. Malulusaw ang Majority Bloc na pinangungunahan ni Cawatano. Hindi kailangan mag-onsehan sila pero mas mababa sila sa onse kapag nalusaw ang kanilang bloke.
Nakikita namin na magiging majority bloc ang Solid Bloc-11 na pinangungunahan nina Sherwin Gatchalian at Tito Sotto. Magiging madali ang paglilitis kay Misfit Sara sapagkat nakikita namin na patahimikin ang tulad ni Rodente.
Hindi ba tuso si BBM?