Advertisers

Advertisers

Pulis, Air Force reservist badigard ng puganteng Tsekwa

0 12

Advertisers

INIIMBESTIGAHAN ngayon ang isang aktibong pulis at Air Force reservist nang magsilbing “bodyguard” ng isang Chinese fugitive na naaresto sa Makati kaugnay ng telecom fraud.
Ayon kay Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) chief Rendel Ryan Sy, nadakip ang suspek na si Zhang Jinglong, 29 anyos, sa ope-rasyon sa Barangay Bel-Air, Miyerkules ng gabi.
Sa isinagawang surveillance, natuklasan ng BI na may mga badigard ang dayuhan kabilang ang isang pulis at isang reservist.
Nahuli sa operasyon ang reservist at isa pang badigard, habang wala sa lugar ang sinasabing pulis, ngunit may nakitang uniporme ng PNP sa isa sa mga silid.
Kinumpirma na ng BI ang pagkakakilanlan ng pulis at nakipag-ugnayan na sa PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa imbestigasyon.
“Mahigpit na ipinagbabawal ang tinatawag na ‘moonlighting’ lalo na sa mga aktibong tauhan, at lalong hindi pinapayagan ang pagbibigay-proteksyon sa isang pugante,” ani Sy.
Si Zhang ay wanted sa China dahil sa telecom fraud at posibleng may koneksyon sa mga ilegal na operasyon na nakatago sa likod ng POGO activities sa Bamban, Tarlac.
Ayon sa BI, ginagamit ang ganitong modus kungsaan nanghihikayat ng mga biktima—karamihan ay nasa ibang bansa—na mag-invest, gamit pa ang pekeng identidad at larawan.
Kasama ring naaresto ang tatlong kapwa Chinese nationals na walang maipakitang valid na dokumento. Lahat sila ay ililipat sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa habang inaayos ang deportation proceedings.
Nakarekober din ang mga awtoridad ng ilang airsoft guns.
Bukod dito, napansin din ang presensya ng mga mamahaling sasakyan, kabilang ang isang Rolls-Royce, na posibleng indikasyon ng patuloy na ilegal na operasyon.
Plano ring makipag-ugna-yan ng BI sa Bureau of Customs upang alamin kung legal ang pagpasok ng mga naturang sasakyan sa bansa.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.