Tugon sa pandaigdigang krisis: Caloocan tutukan kung paano mas episyenteng makapagtitipid ng enerhiya at krudo
Advertisers
Nakipagpulong si Caloocan Mayor Along Malapitan sa binuong task force ng lungsod na layong tutukan kung paano mas episyenteng makapagtitipid ng enerhiya at krudo bilang pagtugon sa pandaigdigang krisis.
Kabilang sa mga tinalakay nila Mayor Malapitan ang estado ng pamamahagi ng fuel subsidy sa mga miyembro ng transportation sector, ang programang libreng sakay para sa mamamayan, at oportunidad para sa mga Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Tinalakay din nito ang iba’t-ibang plano, kabilang ang mga sumusunod: Mahigpit na pagbabantay sa presyo ng mga produkto sa palengke at mga gasolinahan; Pagbawi ng business permit at pagsasampa ng kaso laban sa mga kumpanyang sangkot sa fuel hoarding; Pagsasagawa ng foot patrol ng mga kawani mula sa maliliit na barangay; Paglalagay ng solar panels sa mga health center; Paghahatid ng Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) ng rumurondang libreng sakay sa umaga at gabi; Bukod sa mga TODA, pakikipag-ugnayan sa mga Public Utility Jeepneys (PUJs) para sa paghahatid ng libreng sakay; at patuloy na pagpapatupad ng “No Aircon Friday” sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.
“Ang lahat ng ito, masusi nating pag-aaralan upang mabigyan ng agarang solusyon at maibsan ang hirap ng sitwasyong dinaranas ng ating mga kababayan,” wika ni Mayor Along.(BR)