Advertisers

Advertisers

Dating bagman ni VP Sara ikinanta mga nalalaman sa Duterte… ‘P125M PONDO NG OVP NALUSAW SA 24 ORAS OPERASYON’

0 8

Advertisers

IPINAHAYAG ni Ramil L. Madriaga, umano’y dating “bagman” ni Bise Presidente Sara Duterte, na ang P125 milyon na ‘confidential funds’ ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022 ay hindi ginastos sa loob ng 11 araw gaya ng naunang ulat kundi naipamahagi ito sa loob lamang ng wala pang 24 oras.

Sa kanyang sinumpaang supplemental affidavit na binasa sa pagdinig ng House Committee on Justice nitong Miyerkules, pinabulaanan ni Madriaga ang mga naunang ulat hinggil sa paggamit ng pondo, na kasalukuyang sinusuri kaugnay ng impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.

“Ilang taon ang lumipas, nabasa ko sa iba’t ibang ulat ng media na ang Isang Daan Dalawampu’t Limang Milyong Piso (PhP125,000,000.00) na confidential funds ng OVP noong 2022, ginamit umano sa loob lamang ng labing-isang (11) araw. Mali ito dahil ako mismo ang nag-dispose ng pera sa loob ng wala pang dalawampu’t apat (24) oras,” ayon kay Madriaga.

Ang P125 milyon na confidential funds na inilabas sa OVP noong 2022 ay naging sentro ng atensyon ng publiko matapos kuwestiyunin ang bilis ng paggamit nito, kungsaan may mga ulat na nagsasabing nagastos ito sa loob ng 11 araw.

Ayon sa affidavit ni Madriaga, mas maiksi pa ang timeline na inilipat ang pondo at naipamahagi sa loob lamang ng ilang oras sa pamamagitan ng sunod-sunod at koordinadong transaksyon ng pera sa iba’t ibang lugar at tumanggap.

Ikinuwento rin niya ang isang operasyon noong Disyembre 2022 kungsaan ang mga bag ng pera, na umano’y naglalaman ng P30 milyon hanggang P35 milyon bawat isa, kinuha mula sa central office ng Department of Education sa Pasig City at dinala sa iba’t ibang destinasyon, kabilang ang Laguna at Quezon City.

Ayon pa kay Madriaga, isinagawa ang mga delivery sa direktang utos ni Duterte at kinasasangkutan ng mga miyembro ng Vice-Presidential Security and Protection Group, kabilang sina Colonel Dennis Nolasco at Colonel Raymund Dante Lachica.

Dagdag pa ni Madriaga, naka-bundle ang pera sa tig-P1,000 na mga bill, inayos sa tig-P1 milyon bawat stack, binalot sa transparent na plastik, at isinakay sa iba’t ibang sasakyan patungo sa mga itinakdang drop-off points.

Bahagi ang kanyang affidavit ng mga ebidensiyang sinusuri ng House Committee on Justice kaugnay ng mga reklamong impeachment laban kay Duterte, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds.

Iginiit ni Madriaga na taliwas ang kanyang salaysay sa mga naunang pahayag ng Bise Presidente na itinatanggi ang anumang maling gawain at ang mga alegasyon ng iregularidad sa paggamit ng pondo ng bayan.

“Gayunpaman, ang kanyang pagtanggi na may kaugnayan siya sa akin ay lubos na hindi totoo. Nagsinungaling siya sa ilalim ng panunumpa sa kanyang ‘Perjury Complaint’ laban sa akin,” diin ni Madriaga.

Ang affidavit na ito, dagdag sa lumalaking bilang ng mga alegasyon kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng OVP, isang pangunahing isyu sa impeachment proceedings, kasama ang mga usapin ng transparency, accountability, at pagsunod sa mga alituntunin ng pag-audit.

Samantala, bago ibinalik si Madriaga sa kulungan sa Camp Bagong Diwa, sinumpaan niya ang isinumiteng waiver para mabukasan ang kanyang bank account, na aniya’y ginawang dummy account ni Duterte, para pasukan ng mga pondo.