Advertisers

Advertisers

4,000 SAKO NG BIGAS DONASYON NG BATANGAS SA MAYNILA!

0 12

Advertisers

Nagpahayag ng pasasalamat si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kay Batangas 1st District Representative Leandro Legarda-Leviste at sa mga mamamayan ng Batangas nang makatanggap ang Lungsod ng Maynila ng donasyong 4,000 sako ng bigas na tig-25 kilos bawat isa nirong Martes, Abril 14.

Ayon kay Rep. Leviste, personal niyang ambag ang naturang donasyon at walang anumang gastos mula sa gobyerno, bilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng Maynila sa mga Batangueñong isang linggong nanatili sa Liwasang Bonifacio.



“Bilang pasasalamat sa pagtanggap ng Maynila sa mga Batangueñong isang linggong nasa Liwasang Bonifacio, nagbigay po ako sa Lungsod ng Maynila, sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno, ng personal kong donasyon na 4,000 sako ng tig-25 kilong bigas, na walang anumang gastos mula sa gobyerno,” ani Rep. Leviste.

Pinuri rin ng mambabatas ang Maynila sa pagbibigay-daan sa mga Pilipino mula sa iba’t -ibang panig ng bansa na magamit ang kanilang mga “freedom parks,” at nagpasalamat sa pagpapanatili ng mga ito na malinis, maayos, at ligtas.



“Pinapahintulutan ng Lungsod ng Maynila ang mga Pilipino mula sa iba’t-ibang panig ng bansa na gamitin ang kanilang mga ‘freedom parks’, at taos-puso kaming nagpapasalamat sa kanilang pagpapanatiling malinis, maayos, at ligtas ang mga ito,” dagdag pa niya.

Tiniyak din ni Rep. Leviste kay Mayor Isko Moreno ang patuloy na suporta ng mga Batangueño sa pagsusulong ng pagbawas ng value-added tax (VAT) at mas matibay na tugon ng pamahalaan sa krisis sa presyo ng langis.



Nagpasalamat din siya sa alkalde at sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pagpapanatili ng kagandahan, kalinisan, at kaayusan ng lungsod para sa kapakinabangan ng lahat ng Pilipino.

Sa kanyang panig, ipinaabot ni Mayor Domagoso ang pagbati kay Senador Loren Legarda, ina ni Rep. Leviste, at pinuri ito sa pagpapalaki ng isang anak na may malasakit sa kapwa.

“I would like to send our regards to Senator Loren Legarda. Pinalaki ninyo ng maayos ang inyong anak, na maging mabuti sa kapwa,” ani Mayor Domagoso.

Ipinahayag din ng alkalde ang kasiyahan at pasasalamat ng lungsod sa naturang donasyon, na aniya’y isang makabuluhang pagpapakita ng pagkakaisa lalo na sa panahon ng pagsubok, at nagpasalamat kina Rep. Leviste at sa mga taga-Batangas sa kanilang kabutihang-loob. (BP)