Advertisers
TINAWAG na sinungaling ni Senador Imee Marcos si Ramil Madriaga kaugnay sa sinasabing “term-sharing” na kasunduan sa pagitan nina Vice President Sara Duterte at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagkapangulo noong 2022 national elections.
Ito ay makaraang ilahad ni Madriaga sa kaniyang sinumpaang salaysay sa pagdinig ng House Committee on Justice na nagkasundo umanoo noon si Pangulong Marcos at Duterte na tumayo bilang Bise Presidente niya kapalit ng boluntaryong pagbaba sa puwesto ng Pangulo kapag sumapit na ang taong 2025.
“Who you Madriaga, sinungaling ka, Madriaga,” pahayag ni Imee sa press conference.
“Naku, hindi ko mabuo ‘yung pangalan nito. At ang lahat ng gustong marinig at pakinabangan ang mga kasinungalingan mo ay may naghihintay na kwarto sa’yo sa impiyerno,” aniya.
“Ako, bilang Senador at kapatid ni Bongbong, sampu ng mga tunay na nakakaalam ng pangyayari ay may moral na pananagutan na pabulaanan at itama ang nakakasuka na kasinungalingan ni Madriaga.”
“Inuulit ko, sinungaling ka, Madriaga. At hindi ako papayag na gamitin mo at ng mga kasamahan mo ang oras, ang espasyo, ang dignidad ng kahit na anong opisina o sangay ng gobyerno,” hirit ng senadora.
Kaugnay nito, idinetalye ni Imee ang mga pangyayari noong 2021 ang tunay na pagbuo ng UniTeam.
Hindi rin din niya kailanman nakita si Madriaga sa kampanya ng Uniteam noong 2022 elections.
Samantala, hinamon ng senadora sa Pangulo na linawin ang aniya’y kasinungalingan ni Madriaga tungkol sa napagkasunduan umanong term-sharing sa pagitan nila ni Duterte.
“Huwag mong kunsintihin ang mga politikong ginagamit ang sinungaling na si Madriaga,” saad ng Presidential sister.
“Wala akong sinasabi sa credibility. Ang sinasabi ko, incredible ‘yung sinasabi niya. Kasi nandoon ako eh, alam ko. Wala naman siya roon sa mga usapin namin. Hindi naman siya kasali sa GC (group chat),” dagdag pa ng senadora. (Mylene Alfonso)