Advertisers

Advertisers

P300M COA FINDINGS DAGDAG SA ISYU NG CONFI FUNDS NI VP SARA

0 4

Advertisers

HABANG ang pinal na desisyon ng Commission on Audit (COA) na ipabalik ang P73 milyon na confidential funds ay naging sentral na usapin na sa impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte, isang hiwalay na ‘notice of disallowance’ na umaabot sa hindi bababa sa P300 milyon, itinuturing na dagdag na posibleng pananagutan mula rin sa parehong isyu.

Sinabi ni House Committee on Public Accounts Chair Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list, miyembro rin ng House Committee on Justice, na hindi dapat ipagkamali ang bagong disallowance sa naunang final na aksyon ng COA sa P73 milyon.

“Magkaibang usapin ito. Sa P73 milyon, tapos na iyon sa COA. Kung iaapela pa, hindi na sa COA dadaan kundi sa Korte Suprema,” ani Ridon.

“Pero may panibagong notice of disallowance din na may kinalaman sa hindi bababa sa P300 milyon na confidential funds. Kaya hindi dito nagtatapos ang usapin dahil may hiwalay na ND na pinag-uusapan ngayon,” dagdag ni Ridon.

Ipinaliwanag ni Ridon na hindi tulad ng P73 milyon na disallowance na may pinal nang desisyon at may katumbas na personal na pananagutan para sa mga opisyal na pinangalanan, nasa mas maagang yugto pa ng proseso ng audit ang mas bagong halaga.

“Sa ngayon, notice of disallowance palang ito. Ang susunod na hakbang dito ang apela sa COA Commission Proper, kaya nasa gitnang yugto pa ito kumpara sa nauna,” paliwanag ni Ridon.

Binigyang-diin niya na kapag naging pinal na ang desisyon ng COA, hindi lamang ang ahensya ang mananagot kundi pati ang mga opisyal na tinukoy sa ruling.

“Kapag naging final ang findings ng COA, hindi na lang ito usapin ng opisina. May personal na pananagutan na ang mga pinangalanan,” ani Ridon.

Ayon sa kanya, ipinapakita ng bagong disallowance na ang kontrobersiya sa confidential funds, hindi lamang nakapaloob sa iisang panahon o hiwalay na audit finding, kundi maaaring bahagi ng mas malawak na pattern ng mga transaksyon na patuloy na iniimbestigahan.

Ibig din nitong sabihin na maaaring lumawak pa ang legal at politikal na isyung kinakaharap kaugnay ng paggamit ng confidential funds, habang nagpapatuloy ang House Committee on Justice sa impeachment proceedings.

Giit ni Ridon, gaya ng naunang disallowance, nananatiling pangunahing isyu ang kabiguan ng mga kinauukulang opisyal na maipakita nang sapat ang dokumentasyon ng paggasta ayon sa mga patakaran ng COA.

\“Sa malinaw, paulit-ulit ang isyu, hindi nila maipakita nang maayos ang mga report at supporting documents para patunayan ang paggamit ng confidential funds,” ani Ridon. “At kung magiging pinal din ang mga findings na ito, malinaw na papasok din ang personal na pananagutan sa mga susunod na disallowance.”