NEGOSYANTENG PUMATAY SA KAIBIGAN DAHIL SA SELOS, ARESTADO SA MPD-DPIOU
Advertisers
Arestado ang isang 46-anyos na negosyanteng pumatay sa kanyang kaibigan noong nakaraang taon dahil sa selos.
Nasa kustodiya ng Manila Police District-District Police Intelligence Operation Unit (MPD-DPIOU), na pinamumunuan ni Maj. Kevin Rey Bautista, ang suspect na si ‘Jayson,’ ng Maypajo, Caloocan City.
Inihayag ni Bautista sa kanyang ulat na binaril at napatay ng suspect ang kaibigang si Miguel Ibarra, noong October 15,2025, dakong 12:30 a.m. sa L.Lupa Street, Maypajo, Barangay 32, Caloocan City, matapos umanong madiskubre na may relasyon ito sa kanyang ex-partner.
Inamin ng suspect na sobra siyang nagselos kaya nabaril niya ang kanyang kaibigan.
Matapos ang pamamaril ay nagtago na ang suspect hanggang sa ma-locate siya ng pulisya sa isang bahay sa Block 8 Lot 5, Lumina Homes, Brgy Pamatawan, Subic, Zambales, kung saan siya nadakip 2:05 p.m. nitong April 21, 2026.
Ang suspect ay dadalhin umano kay Caloocan Presiding Judge Rodrigo Flores Pascua, Jr. ng Branch 122 para sa kaukulang disposisyon.
Walang piyansang itinakda para sa kasong murder na kinakaharap niya at isinampa ng mga kaanak ng biktima. (JERRY S. TAN)