Advertisers
HANDANG humarap at tumestigo sa Kamara ang 84 barangay kapitan sa Batangas na umano’y pinagkaitan ng tig-P200,000 ayudang ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang press conference noong Lunes, sinuportahan ng mga barangay captains ang panukalang imbestigasyon sa umano’y pag “itsapwera” sa kanila sa kabuuang P16.8M ayuda sa ilalim ng programang “Bawat Barangay Makikinabang”.
Kasunod ito ng inihaing resolusyon ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na naglalayong silipin ang umano’y problema sa distribusyon ng pondo.
Ayon sa mga kapitan, nagsumite sila ng kumpletong requirements at walang nagsabi sa kanilang huwag pumunta, ngunit hindi umano sila inimbitahan ng Kapitolyo kahit inanunsyo na lahat ng barangay sa Batangas ay dapat naroon.
Ayon kay Taal ABC President Lamberto Marcellana, ipinaliwanag sa kanya ni Bokal Fernan Rocafort – pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) sa Lipa City – ang dahilan ng hindi pagsama sa kanila. “Nang ulitin ko po sa kanya nitong (Abril) 24, sinabi niya sakin, ABC pasensya ka na, hindi kasama ang Taal tsaka ang Nasugbu, dahil nagtampururot raw ang Governor sa inyo.”
Ayon naman kay Nasugbu ABC President Emerito Herrera, tinanong niya si Rocafort kung bakit hindi sila tinawagan para sa event. “Nung 24 ng umaga, tinawagan ako ng Bokal Fernan, ang sabi sa akin, ABC, pasensya ka na, hindi kami ang nag-ayos niyan.”
Mariin ding pinabulaanan nina Marcellana at Herrera ang paratang ni Rocafort na pinipigilan sila ni Leviste na pumunta sa Batangas City para tumanggap ng ayuda.
Dagdag pa ng mga kapitan, may hiwalay umanong group chat na ginawa ang staff ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto kung saan hindi isinama ang 84 barangays, at sinabi: “para po muna sa 6 na bayan na nandito sa GC na to.”
Nanindigan ang barangay officials na nais nilang mailahad ang kanilang panig sa isang pormal na pagdinig sa Kongreso. “Sana maimbitahan sa Kongreso itong 84 kapitan upang patunayan na ang ating Congressman [Leviste] ay walang sinasabi na huwag pumunta sa Batangas para huwag kunin ang ayuda,” ani Barangay Captain June Manimtim.
Samantala, bilang agarang tugon, sinabi ni Leviste na aabonohan muna niya ang tig-P200,000 ayuda habang hindi pa naire-release ang mga tseke para sa kanila. Kasabay nito, ipapadala na rin ng mga kapitan diretso sa Malacañang ang kanilang requirements na naisumite na nila sa Kapitolyo ng Batangas noong April 17.
Diin ni Leviste, kailangan ng malinaw na paliwanag kung bakit hindi naisama ang 84 barangay sa distribusyon.
“Hangga’t hindi maipaliwanag kung bakit hindi isinama ang 84 barangays, hindi natin matitiyak na hindi mauulit ang pamumulitika sa pamimigay ng ayuda. Kaya ako po ay nananawagan sa Kongreso o Senado ng imbestigasyon para matiyak natin na hindi mauulit ang ganitong klaseng diskriminasyon sa ayuda,” diin ng mambabatas.