Advertisers
Salamat sa fuel subsidy…at siyempre maging sa mapanuring estratehiya ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng pamumuno ni Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, upang mabuko ang mga alagang “multong rider” ng ilang kompanya ng motorcycle taxi.
Bakit salamat sa subsidiyang pang-gaso? Hehehe…dahil kasi rito ay nabuko ni Atty. Vigor ang kalokohan ng mga kompanya na nagpapatakbo ng taksing motorsiklo.
Batid naman natin na ang operasyon ng motorcycle taxi ay sa pamamagitan ng “apps”…at marahil inaakala siguro ng ilang motorcycle taxi company basta “digital” ay makalulusot na, e nagkamali sila dahil nabuko sila sa mapanuring pamamaraan ng ahensya. ‘Ika nga, kung nakalulusot sila sa mga nagdaang taon o administrasyon, hindi na sila umubra ngayon at nakahanap sila ng katapat kay Chairman Vigor.
Ang nabuko lang naman na kaalingasngasan ay napakaraming “extra” na rider (ghost rider) sa app na wala naman sa listahan ng LTFRB.
Heto ngayon ang nakatutuwa sa hakbangin ng gobyerno – sa pagbibigay ng fuel subsidy nabuko ang nasabing discrepancy kung saan tila’y naging “lie detector test” ang subsidiya.
Paano nabuko? Noong mamimigay na ng ayuda sa gasolina, biglang nagpasa ng listahan ang mga kumpanya. Nagtaka ang LTFRB kung bakit dumami o napakahaba ng listahan. Mas marami pa ang pangalan sa listahan kaysa sa pinayagang limitasyon (CAP). Kaya sa pagkakabuko, goodbye “ghost riders” at “zombie accounts”. Hehehe
Heto ang nakitang nilabag: Over-boarding: Ang pagtanggap o pagpapasakay ng mga rider at sasakyan na lampas sa itinakdang limitasyon (cap) na ibinigay ng Lupon para sa operasyon.
Service Abandonment (Pagpapabaya sa Serbisyo): Pagkabigong mapanatili ang mga orihinal na unit na kinuha para sa platform; lumalabas na karamihan sa mga ito ay lumipat sa ibang platform o tuluyan nang huminto sa pagbiyahe, na nagreresulta sa kawalan ng maaasahang serbisyo para sa mga commuter.
Dahil dito, pinagpapaliwanag ni Atty. Vigor ang nabukong siyam na motorcycle firms kaugnay sa alingasngasan – magpapaliwanag sila kung bakit hindi kailangan kanselahin o suspendihin ang kanilang authority to operate.
Ang hakbanging ito ng LTFRB ay isang tagumpay para sa mga suki o pasahero dahil ang paglilinis na ginagawa ng LTFRB ay para sa kaligtasan/seguridad ng mga parakyanong mananakay ng mga motorcycle taxi.
Salamat sa fuel subsidy na naging daan upang mabuko ng LTFRB ang kaalingasngasan ito ng ilang motorcycle taxi company.