Advertisers
ARESTADO ang 44-anyos na dating miyembro ng New People’s Army na matagal nang pinaghahanap kaugnay ng pag-ambush sa 14 sundalo mahigit isang dekada na ang nakararaan sa Diffun, Quirino.
Ayon sa pulisya, ang suspek na kilala sa alyas “Ka Ariel” ay naaresto Mayo 5 sa bisa ng warrant of arrest na may petsang Pebrero 4, 2014 para sa kasong multiple murder at walang inirekomendang piyansa.
Iniuugnay ang suspek sa ambush noong Hunyo 27, 2000 sa Barangay Linomot, Jones, Isabela, kungsaan napatay ang 14 sundalo, kabilang si Colonel Josefino Manayao, dating commanding officer ng 502nd Brigade habang pauwi mula sa isang medical mission.
Ayon kay Police Col. Paul T. Bometivo, director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, pinuri niya ang mga operatiba sa matagumpay na pag-aresto at sinabi na ito ay patunay ng patuloy na paghahanap ng hustisya at pagpapanagot sa mga lumabag sa batas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bayombong Police Station ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasagawa ng mga legal na proseso.