Advertisers

Advertisers

‘IMPEACH SARA’ ITUTULAK NA SA SENADO

0 4

Advertisers

NAKATAKDANG magsagawa ng makasaysayang botohan ang Kamara de Representantes nitong Lunes upang pagtibayin ang ulat ng House Committee on Justice na nagsasabing may “probable cause” o sapat na basehan para ituloy ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Z. Duterte. Kasunod ito ng ilang linggong pagdinig at pagsusuri ng mga dokumentaryong ebidensya, bilang paghahanda sa pagpapadala ng apat na Artikulo ng Impeachment sa Senado na magsisilbing impeachment court.

Tatalakayin sa plenaryo ang ulat at resolusyong inaprubahan ng House Committee on Justice matapos ang serye ng pagdinig hinggil sa mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta laban sa matataas na opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Batangas Representative at Justice panel chairperson Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, handa ang komite na ipagtanggol sa plenaryo ang mga natuklasan, ebidensya, at proseso na nagresulta sa nagkakaisang pag-apruba sa impeachment report.

“Inaasahan namin na mabibigyan kami ng pagkakataon ngayon Lunes na ipagtanggol ang committee report, ang findings ng probable cause, at ang Articles of Impeachment,” ani Luistro.

Nauna nang nagkaisa ang House Committee on Justice sa botong 53-0 upang ideklarang may probable cause para ma-impeach si Duterte, at kalaunan muling inaprubahan sa botong 55-0 ang committee report at resolusyon na naglalaman ng Articles of Impeachment para sa deliberasyon ng plenaryo.

Sinabi ni Luistro na maaaring maging mainit ang debate tungkol sa findings ng komite at sa naging proseso ng pagdinig, nguni’t tiniyak niyang handa silang sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas.

Siya rin mismo ang maghahain ng sponsorship speech na magbubuod sa mga naging pagdinig, pinagsamang Articles of Impeachment, at mga ebidensyang iniharap sa komite.

Sa ilalim ng Konstitusyon, kailangan ang boto ng hindi bababa sa one-third ng lahat ng miyembro ng Kamara, o 106 boto mula sa 318 miyembro — upang maaprubahan ang Articles of Impeachment at agad itong maipadala sa Senado para sa paglilitis.

Ayon kay Luistro, isasagawa ang nominal voting kungsaan tatawagin isa-isa ang bawat kongresista upang hayagang bumoto ng “yes” o “no.”

Umaasa rin siya na maipapakita sa plenaryo ang parehong pagkakaisa na ipinakita ng justice panel sa buong impeachment proceedings.

Aniya, iikot ang plenary discussions sa apat na pinagsamang Articles of Impeachment na nabuo matapos pagsamahin ang magkakatulad na alegasyon mula sa mga reklamong impeachment nina Saballa at Cabrera.

Tumutukoy ang unang artikulo sa maling paggamit at iregular na paggastos ng confidential funds sa Office of the Vice President at Department of Education noong kalihim pa ng DepEd si Duterte.

Sa mga pagdinig, sinuri ng justice panel ang kuwestyunableng paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, P500 milyon mula sa Office of the Vice President at P112.5 milyon mula sa Department of Education.

Tinalakay rin ng mga mambabatas ang alegasyong nagastos sa loob lamang ng wala pang 24 oras ang P125 milyong confidential funds na inilabas sa Office of the Vice President noong huling bahagi ng 2022, batay sa testimonya ng umaming “bagman” ni Duterte na si Ramil Madriaga.

Tumutukoy naman ang ikalawang artikulo sa hindi maipaliwanag na yaman at mga hindi tugmang detalye sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte at sa mga bank transaction na iniulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Sa pagdinig, sinuri ng Justice panel ang findings ng AMLC hinggil sa 663 covered at suspicious transactions na umaabot sa kabuuang P6.77 bilyon na iniuugnay kina Duterte at kanyang asawang si abogado Manases “Mans” Carpio.

Kabilang rito ang humigit-kumulang P3.77 bilyong transaksyon na konektado kay Duterte at P2.99 bilyon na iniuugnay kay Carpio.

Sinuri rin sa mga pagdinig ang mga SALN ni Duterte kungsaan makikitang tumaas ang kanyang idineklarang net worth mula P7.25 milyon noong 2007 hanggang P88.51 milyon noong 2024.

Noong nakaraang Lunes, sinabi ni Atty. Peter Paul Danao, tagapagsalita ng kampo ni Carpio, na nilinaw umano ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na ang iniulat na “P2 bilyon” ay “P2 milyon” lamang, at sinabing sanhi ito ng isang “system glitch.”

May kaugnayan ang ikatlong artikulo sa alegasyon ng panunuhol kaugnay ng umano’y pamamahagi ng mga sobre na may lamang pera sa mga opisyal ng DepEd noong panahon ni Duterte bilang kalihim ng ahensya.

Nakatanggap ang mga mambabatas ng testimonya at mga rekord hinggil sa pamimigay ng tig-P50,000 cash envelope na may label na “HOPE” sa mga opisyal na konektado sa procurement functions ng departamento.

Samantalang nakatuon ang ikaapat na artikulo sa kontrobersyal na pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024 kungsaan sinabi niyang nagpahanda siya ng plano para ipapatay sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.

Sinuri rin ng Justice panel ang mga ebidensya at testimonya kaugnay sa pag-authenticate ng National Bureau of Investigation (NBI) sa video at sa isinagawang criminal investigation matapos ang naturang mga pahayag ni Duterte.