Advertisers
KINUMPIRMA ni Senate President Alan Peter Cayetano na wala na sa loob ng Senado si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa para sa kaligtasan ng lahat.
“Long story short, the sergeant-at-arms confirmed that he’s no longer in the building. I’m waiting for the complete incident report, on what time he left,” wika ni Cayetano sa press conference.
Ayon sa pangulo ng Senado, base sa impormasyon mula sa Senate secretariat, umalis si Dela Rosa sa Senado, dakong 2:30 ng madaling-araw.
Kaugnay nito, ibinunyag ni Cayetano na nakausap niya ang misis ni Dela Rosa na nagpasalamat sa kanya at sa iba pang senador para sa lahat ng suportang ibinigay nila kay Dela Rosa.
Binasa rin ni Cayetano ang text message ng asawa ni Dela Rosa, na umaasa umanong hindi sasayangin ng 13 miyembro ng majority bloc ng Senado ang “sakripisyo” ng senador.
“I’d also like to ask for forgiveness for all the confusion and havoc it has created in the Senate,” ayon sa mensahe.
“It is for this reason, I am sure that Ronald made his ‘escape’. He told me, habang tumatagal kasi siya diyan sa loob ay mas nadadamay pa kayo. Alam naming hindi lulusubin ng NBI at CIDG and police o sino pang mga militar ang Senate kung wala siya sa loob. Kaya kahit na gaano siya ka-safe diyan ay mas nangibabaw pa rin para sa kanya ang safety ng lahat,” saad pa niya.
Ayon sa misis ni Dela Rosa, napagkasunduan nila na mananatili ang senador sa Senado dahil mas ligtas siya roon, lalo na’t pinagkokomento ng Korte Suprema ang ilang opisyal ng ehekutibo sa loob ng 72 oras kaugnay sa petisyon nitong harangin ang warrant of arrest laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC).
“Nagulat at natakot na lang kami for his safety nung narinig namin nasa labas na siya. Wala sa plano but knowing him, I am sure he took the opportunity nung nagkaguluhan at nagkaputukan na,” ayon pa sa mensahe.
Nauna nang isinailalim si Dela Rosa sa Senate protective custody simula noong Lunes matapos subukan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation na magsilbi ng warrant of arrest na may kinalaman sa ICC laban sa kanya.
Nahaharap si Dela Rosa sa warrant of arrest mula sa ICC kaugnay ng imbestigasyon nito sa war on drugs na inilunsad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa international tribunal sa The Hague. (Mylene Alfonso)