Advertisers
NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga nagtapos ng Philippine Military Academy “Talang Dangal” Class of 2026 na manatiling tapat sa Konstitusyon at pairalin ang integridad, dangal, at disiplina sa kanilang paglilingkod sa bayan.
Ginawa ni PBBM ang pahayag matapos pangunahan ang commencement exercises sa Fort Del Pilar sa Baguio City.
Binigyang-diin ng Pangulo sa 207 graduating cadets na ang kanilang katapatan ay dapat nakatuon lamang sa bansa at sa Saligang Batas.
Ayon kay Marcos, hindi dapat maimpluwensiyahan ng anumang interes sa pulitika, personalidad, o ideolohiya ang kanilang panunungkulan bilang mga opisyal ng sandatahang lakas.
Pinuri naman ng Pangulo ang mga natatanging nagtapos sa pangunguna ni valedictorian Christine Kaye Demisana Librada.
Ayon sa Pangulo, sumasalamin ang pangalang “Talang Dangal,” o Tagapagtanggol ng Lahing Dakila at Marangal, sa bagong henerasyon ng mga lider-militar na inaasahang magpapakita ng tapang, katapatan, at dangal sa serbisyo publiko.
Sinabi rin ni Marcos na mahalagang mapanatili ng mga bagong opisyal ang malasakit sa mamamayan habang tinutupad nila ang kanilang tungkuling protektahan ang bansa.
Hinimok ng Commander-in-Chief ang mga bagong opisyal na gamitin ang kanilang kakayahan upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa bansa. (Gilbert Perdez)