Advertisers

Advertisers

MATIBAG” MAY MGA LEAD ANG NBI KUNG NASAAN SI BATO; PANAWAGAN NI CAYETANO NA SUSPINDIHIN SIYA, SINAGOT

0 2

Advertisers

INIHAYAG ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na may mga ‘leads’ na silang pinanghahawakan ukol sa kinaroroonan ni Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, na kanya ring hinimok na sumuko na matapos ang kaguluhang naganap sa kanyang paglutang, kasabay ng pahayag na sa lahat ng tao, ang Senador ang dapat na makaunawa ukol sa proseso ng law enforcement.

Sa kanyang pagdalo sa ‘MACHRA Balitaan’ na isinagawa ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), sinagot din ni Matibag ang panawagan ni Senate President Alan Peter Cayetano na siya ay masuspindi at aniya, kung merong dapat masuspindi, ito ay si Cayetano, dahil nasa ilalim ng kapangyarihan nito ang Senado kung saan naganap ang kaguluhan.

Ayon sa NBI chief, “it is about time to do away with ‘feudal thinking’ like ‘Senador ako’ adding that at the end of the day, “hindi pwesto ang tinitignan kundi kung ano ang ginawa mo…. kung naaayon ba sa batas.”

Binanggit din niya ang pagtalima sa batas nina dating Senador Antonio Trillanes IV at Leila de Lima nang sila ay nagkaroon din ng warrants of arrest habang sila ay aktibo sa Senado.

Samantala, binanggit ni Matibag na may mga leads na ang NBI kung saan nagtatago si Dela Rosa bagamat tumanggi itong mag-detalye pa, dahil bahagi umano ng law enforcement process ang hindi pag-anunsiyo “because people try to speculate.”

“If there is any person who should be asked, it’s Senator Robin Padilla dahil siya ang huling kasama,” aniya.

Sa panawagan ni Cayetano para sa kanyang suspension gaya ng iginawad ng Ombudsman kay office of the sergeant-at-arms (OSAA) head, retired Gen. Ma O Aplasca na suspensiyon ng anim na buwan, sinabi ni Matibag na hindi siya ang unang nagpaputok na nakalikha ng kaguluhan at wala din siyang mga tauhan sa Senado nang mangyari iyon.

Kung ang basehan umano ni Cayetano ay dahil sa pagiging hepe niya ng NBI o command responsibility, “siguro, si Senate President Alan Cayetano ang dapat mag-resign.”

Upang bigyang-diin ang kanyang punto, idinagdag ni Matibag: “Ano ba pinanggagalingan (call for his suspension), command responsibility? Sino ba unang nagpaputok? Sino me command responsibility kay sergeant-at-arms? Who is the head of the Senate?”

Handa umano siyang humarap sa anumang imbestigasyon o parusa kung sakaling makitaan siya ng sala.

Samantala, halos tapos na din umano ang NBI sa sarili nitong imbestigasyon at nakita na umano niya lahat ng dapat na makita, ngunit iiwan niya ang paggawa ng konklusyon sa Department of Justice (DOJ) na bumuo na ng panel para imbestigahan ang insidente.

Nanindigan si Matibag na sila ay sumusunod sa batas at walang NBI sa Senado nang gabing mangyari ang kaguluhan dahil iginagalang niya umano ang ‘gentleman’s agreement’ kung saan pumayag silang mag-withdraw sa premises habang tiniyak naman ni Cayetano na mananatili si Dela Rosa sa protective custody at hindi ito tatakas. (JERRY S. TAN)