Advertisers
Isasara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang northbound lane ng Dimasalang Bridge sa Sampaloc, Manila simula Mayo 23, 2026 para sa ikalawang phase ng rehabilitasyon at major repair works nito.
Ito ay ipinaalam ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa kanyang “Talk to the People” Facebook livestream noong Huwebes, Mayo 21.
Ayon sa liham ni DPWH North Manila District Engineering Office District Engineer Dennis E. Sandoval, ang proyekto ay naglalayong tiyakin ang structural integrity, safety, at patuloy na serbisyo ng tulay para sa mga motorista at mga komunidad sa paligid.
Inaasahang matatapos ang rehabilitasyon sa ikalawang linggo ng Oktubre 2026, bago ang Undas, kapag milyon-milyong bisita ang inaasahang dumagsa sa Manila North Cemetery.
Nakumpleto na ang southbound lane, na unang phase ng proyekto, at pinasalamatan ni Mayor Domagoso ang DPWH sa pagtupad ng kanilang commitment.
Pinapayuhan ang mga motorista na bantayan ang full traffic rerouting plan na ilalathala ng city government sa kanilang opisyal na social media platforms. (Jocelyn Domenden)