Advertisers
NAGKASUNDO ang Pilipinas at Japan sa ilang mahahalagang kasunduan kabilang ang pag-iwas sa double taxation o dobleng pagbubuwis, kasabay ng state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan.
Layunin nitong palakasin ang negosyo at hikayatin ang mas maraming pamumuhunan sa pagitan ng dalawang bansa.
Nilagdaan din ng dalawang bansa ang mga kasunduan sa agrikultura, kalusugan, at human resource development, habang palalawakin pa ang kooperasyon sa artificial intelligence, energy security, at supply chain resilience.
Inanunsyo rin nina Pangulong Marcos at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi ang pagsisimula ng negosasyon para sa General Security of Military Information Agreement o GSOMIA at usapin sa maritime boundaries upang higit na mapalakas ang defense cooperation ng dalawang bansa.
Sa kanyang pagbisita sa Tokyo, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na patuloy na tumitibay ang relasyon ng Pilipinas at Japan matapos ang 70 taon ng diplomatic relations ng dalawang bansa.
Ayon sa Pangulo, mula sa dating sugat ng digmaan ay nabuo ang matibay na samahan na ngayon ay nakabatay sa tiwala, respeto, at pagtutulungan. (Gilbert Perdez)