Advertisers
TIYAK na hindi magugustuhan at lalong hindi papayag ang kataas-taasang pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) na gamitin ang pangalan ng kanilang kapatiran ng sinuman para sa kanilang pansariling interes, lalo pa kung ito ay sa pagpapatakbo ng labag sa batas at perwisyong operasyon ng paihi/buriki sa bayan ng Tiaong, Quezon.

Dahil sa mabilis na pagsikad ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado ay sinasamantala ng mga masasamang elemento sa ating lipunan na pagkakitaan ang namamayaning sitwasyon.
Kabilang sa mga elementong ito ay ang grupo ng isang alyas R. Villanueva na nagpatayo ng kuta sa Brgy. Lagalag sa bayan ni Tiaong Mayor Vincent “RJ” Mea. Parang legal ang pagnanakaw ng grupo ni alyas R. Villanueva ng krudo, gasolina, gas at Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa mga tanker at capsule truck ng mga suking driver na nagbebenta ng paihi/buriking petrolyo.
Buriki o paihi ang tawag sa pagnanakaw nina alyas R. Villanueva ng kargang petrolyo at LPG na iniimbak ang mga nakaw na produkto sa kanilang kuta malapit sa compound ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa Brgy. Lagalag, Tiaong, Quezon.
Wala namang kamalay-malay ang mga may-ari ng trucking firm na sila ay iginigisa sa sariling mantika at pinagnanakawan ng inaakalang mapagkakatiwalaan nilang mga tanker at capsule truck driver.
Binabayaran nina alyas R. Villanueva ng sagad sa baba na presyo o halagang nakaw ang mga “palusot” na petrolyo at upang di mabuko ay binabantuan ng chemical na Methanol ang nabawas na mga petroleum product.
Kaya naman pulido at walang kahala-halata ng mga may-ari ng gasoline station na ang napa-deliver sa kanila ay may halo at adulterated na petrolyo.
Ipinagyayabang ni alyas R. Villanueva na isa siyang opisyal ng Iglesia Ni Cristo local ng Lucena City at bayan ng Tiaong, kaya’t nakatimbre ang kanilang 24/7 na operasyon sa mga tanggapan nina Quezon PNP Acting Provincial Director Col. Romulo Albacea at Tiaong Police Chief LtCol. Rodelio M. Calawit?
Si alyas R. Villanueva ay matagal ding nagpatakbo ng paihi/buriki sa Batangas City. Sinikap ng SIKRETA na makipag ugnayan kay Brother Rene Panoncillo ang Minister of Gospel ng INC, Lucena City at ipabatid ang illegal activity na ito ni alyas R. Villanueva, ngunit bigong makaugnayan ang naturang INC official.
Makaabot sana sa kaalaman at mapaaksyunan ni INC Executive Minister Eduardo V. Manalo at Col. Albacea ang mga kabalbalang pinaggagawa ni alyas R. Villanueva, na nakakasira hindi lamang sa imahe ng Lucena INC at sa kabuuan ng Kapatiran kundi maging kay PNP Region 4A Director BGen. Hansel Marantan, Col. Albacea at Police Chief LtCol. Calawit. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144