Advertisers
Sa gitna ng mga hamon at kontrobersiyang hinarap ng Senado nitong mga nakaraang linggo, isang mahalagang mensahe ng pagkakaisa at serbisyo publiko ang ipinahatid ni Senate President Pro Tempore Win Gatchalian matapos siyang mahalal sa isa sa pinakamataas na posisyon sa kapulungan.
Marapat lamang na batiin si Gatchalian sa bagong tungkulin. Sa panahong kailangan ng Senado ang matatag ngunit mahinahong liderato, marami ang naniniwalang siya ay isang mahusay na pagpipilian.
Kilala siya bilang masipag, maingat, at nakatuon sa mga isyung direktang nakaaapekto sa mamamayan gaya ng edukasyon, trabaho, enerhiya, at kabuhayan.
Kapansin-pansin din na sa kanyang unang pahayag bilang Senate President Pro Tempore, hindi pulitika ang kanyang binigyang-diin kundi serbisyo.
Ang kanyang panawagang “Trabaho, hindi pulitika” ay malinaw na mensaheng dapat manaig ang kapakanan ng bayan kaysa pansariling interes o hidwaang pampulitika.
Sa panahong patuloy na pinapasan ng mga Pilipino ang epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin at iba pang suliraning pang-ekonomiya, mahalagang ang mga pinuno ng Senado ay nakatutok sa paggawa ng mga batas at programang makatutulong sa taumbayan. Iyan ang direksyong nais ipakita ni Gatchalian sa kanyang bagong tungkulin.
Hindi rin maikakaila na malawak ang kanyang karanasan sa lehislatura. Sa loob ng maraming taon, napatunayan niyang kaya niyang makipagtulungan sa iba’t ibang sektor at panig ng politika upang maisulong ang mga panukalang kapaki-pakinabang sa bansa. Ang kakayahang magbuklod sa halip na maghati ay isang katangiang higit na kailangan ngayon sa Senado.
Ang pagkakahalal kay Win Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore ay hindi lamang pagkilala sa kanyang kakayahan kundi pagpapakita rin ng tiwala ng kanyang mga kapwa senador sa kanyang liderato.
Habang nagsisimula ang bagong kabanata sa Senado, umaasa ang sambayanan na ang kanyang panawagang ibalik ang dignidad ng institusyon sa pamamagitan ng gawa at hindi lamang salita ay maisasakatuparan.
Binabati natin si Senador Win Gatchalian. Sa maraming nagmamasid sa galaw ng Senado, isa siyang magandang pagpili—isang lider na may karanasan, kredibilidad, at malinaw na pagnanais na unahin ang serbisyo para sa bayan.
So, ang hamon ngayon ay gawing realidad ang kanyang pangakong: trabaho muna, para sa Pilipino.
***
Sa isang demokrasya, ang Kongreso—maging ang Mababang Kapulungan o Senado—ay dapat nagsisilbing sagradong institusyon kung saan pinagtatalunan at binubuo ang mga batas para sa kapakanan ng sambayanan.
Dito inaasahan ng mamamayan na maririnig ang mga panukalang makapagpapagaan sa kanilang buhay, makapagpapababa ng presyo ng bilihin, makapagpapalakas ng ekonomiya, at makapagbibigay ng mas maayos na serbisyong pampubliko.
Ngunit nakalulungkot na sa mga nagdaang taon, tila unti-unting nawawala ang tunay na diwa ng lehislatura.
Sa halip na maging tahanan ng seryoso at makabuluhang diskurso, nagiging entablado ito ng mga palabas na mas kahawig ng isang reality show kaysa isang institusyong gumagawa ng batas.
Maraming pagdinig ang nauuwi sa personalang bangayan, pagpapasikatan, at mga eksenang malinaw na nakatuon sa pagpapalakas ng sariling pangalan kaysa paghahanap ng solusyon sa mga suliranin ng bayan.
Habang milyon-milyong Pilipino ang nahihirapan sa mataas na presyo ng pagkain, kakulangan ng disenteng trabaho, at patuloy na pagtaas ng gastusin sa araw-araw, abala naman ang ilang mambabatas sa mga usaping tila mas nakatuon sa pulitika kaysa sa kapakanan ng taumbayan.
Hindi maiiwasang itanong ng publiko: Kanino ba talaga nagsisilbi ang ilang halal na opisyal?
Sa maraming pagkakataon, lumilitaw na ang pangunahing ipinagtatanggol ay hindi ang interes ng mamamayan kundi ang interes ng mga kaalyado, mga grupong may impluwensiya, o maging ang kanilang sariling ambisyong pampulitika. Ang mga pagdinig na dapat sana’y instrumento ng pananagutan ay nagiging sandata para sa propaganda, paghihiganti, o paghahanda sa susunod na halalan.
Mas masakit isipin na ang perang ginagastos sa bawat sesyon, pagdinig, at imbestigasyon ay mula rin sa buwis ng taumbayan.
Kaya may karapatan ang mamamayan na asahan ang propesyonalismo, kahusayan, at integridad mula sa kanilang mga kinatawan.
Hindi kailanman magiging katanggap-tanggap na gawing katatawanan ang mga institusyong dapat sana’y simbolo ng karunungan at pananagutan. Ang Kongreso ay hindi entablado para sa personal na interes.
Lalong hindi ito lugar para sa mga palabas na naglalayong makalikha lamang ng mga viral na eksena o maiingay na headline.
Ang tunay na sukatan ng isang mambabatas ay hindi kung gaano siya kadalas makita sa telebisyon o social media. Ang sukatan ay kung gaano niya napabuti ang buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga batas at polisiyang kanyang isinulong.
Panahon na upang paalalahanan ang mga opisyal ng pamahalaan na ang kanilang mandato ay hindi para sa pansariling kapakinabangan kundi para sa sambayanan.
Sapagkat sa huli, hindi ang kanilang mga talumpati, bangayan, o pagpapakitang-gilas ang maaalala ng kasaysayan—kundi kung paano nila ginamit ang kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila ng bayan.
At kung magpapatuloy ang pagtrato sa Kongreso bilang isang entablado ng pulitika at personal na interes, ang pinakamalaking talunan ay hindi ang mga pulitiko kundi ang sambayanang Pilipinong matagal nang naghihintay ng tunay na serbisyo at makabuluhang pagbabago.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.