Advertisers
Patuloy na pinapalawak ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Along Malapitan ang mga programang pangkalusugan upang matiyak na may sapat at dekalidad na serbisyong medikal na naaabot ng bawat residente, lalo na ang mga nangangailangan ng espesyal na gamutan.
Bilang bahagi ng adhikain ng lungsod na gawing mas abot-kamay ang healthcare services, nag-aalok ngayon ang lokal na pamahalaan ng libreng chemotherapy sessions para sa mga pasyenteng may cancer at libreng maintenance medicine para naman sa mga may diabetes.
Sa pakikipagtulungan ng City Government of Caloocan sa Prime Treatment Group (PTG), maaaring mag-avail ng libreng chemotherapy o infusion therapy ang mga residente ng lahat ng edad na may cancer diagnosis. Isinasagawa ang paggamot sa PTG Caloocan Chemotherapy Center na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Ziti Center Caloocan mula Lunes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Ayon sa pamahalaang lungsod, malaking tulong ito para sa mga pamilyang nahihirapang tustusan ang mahal na gastusin sa chemotherapy, na karaniwang umaabot ng libu-libong piso kada session.
Samantala, tuloy-tuloy ring namamahagi ang lungsod ng libreng maintenance medicine para sa mga residenteng may diabetes. Maaaring kunin ang mga gamot sa alinmang health center sa Caloocan, at sapat ang ibinibigay na supply para sa 30 araw. Maaari rin itong ma-renew buwan-buwan upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-inom ng gamot ng mga pasyente.
Bukod dito, nagbibigay rin ang lungsod ng libreng insulin para sa mga diabetic patients na nangangailangan nito, bilang karagdagang suporta upang mapanatili ang kanilang kalusugan at maiwasan ang komplikasyon ng sakit.
Hindi rin natatapos dito ang serbisyong pangkalusugan ng lungsod. Sa pakikipag-ugnayan sa PhilHealth, patuloy ring nag-aalok ang lahat ng health centers sa Caloocan ng libreng konsultasyon para sa mga residente.
Ipinapakita ng mga programang ito ang matibay na paninindigan ni Mayor Along Malapitan na gawing prayoridad ang kalusugan ng bawat Caloocaneño. Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga libreng serbisyong medikal, mas maraming residente ang nabibigyan ng pagkakataong makatanggap ng tamang gamutan nang hindi nabibigatan sa gastusin.
Sa ilalim ng kanyang administrasyon, patuloy na isinusulong ni Mayor Along ang mga programang may direktang epekto sa buhay ng mamamayan, lalo na sa sektor ng kalusugan, upang matiyak na walang maiiwang Caloocaneño pagdating sa akses sa dekalidad at makataong serbisyong medikal.(BR)