Advertisers

Advertisers

19 PATAY, 134 SUGATAN SA M-7.8 LINDOL SA MINDANAO

0 4

Advertisers

NIYANIG ng malakas na magnitude 7.8 na lindol ang ilang bahagi ng Mindanao, na kumitil ng 19 katao at nakasugat ng 134 sa pagguho ng ilang gusali, dahilan upang magdulot ng matinding takot at agarang paglikas ng mga estudyante, empleyado, at mamimili mula sa mga paaralan, tanggapan, at mga mall sa lungsod, Lunes ng umaga, Hunyo 8.
Sa ulat ng Police Regional Office 12 (PRO 12) 10:50 ng umaga ng Lunes, pawang sibilyan ang mga nasawi at mga sugatan.
Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa magnitude 7.8 mula magnitude-7.0 ang lindol sa Sarangani. Mayroon itong lalim na 33 kilometro.
Ayon sa PHIVOLCS, tumama ang lindol 7:37 ng umaga.
Batay sa paunang datos ng mga awtoridad sa seismolohiya, ang lindol ay tectonic ang pinagmulan, dahilan upang mas maramdaman ang malakas na pagyanig sa iba’t- ibang lugar.
Kasunod ng insidente, agad na nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas at pansamantalang paghinto ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno upang mabigyang-daan ang inspeksyon sa mga gusali at iba pang mahahalagang imprastraktura.
Patuloy na pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling alerto at mag-ingat dahil sa posibilidad ng mga kasunod na pagyanig o aftershocks.
Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibleng tsunami na tatama kasunod ng magnitude 7.8 na lindol.
Ayon sa ahensya, inaasa-han ang tsunami waves na mahigit isang metro sa normal na alon o mas mataas pa para sa enclosed bays at mga strait.
Inaasahan na ang unang tsunami wave darating sa pagitan ng 7:37 ng umaga at 9:37 ng umaga nitong araw ng Lunes.
Inirekomenda ang agarang paglikas ng mga residente patungo sa mataas na lugar sa mga probinsya ng Sarangani, Davao Occidental, Tawi-Tawi, Sulu, Basilan, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Sultan Kudarat at South Cotabato.
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes ang lahat ng ahensya ng gobyerno na kumilos nang mabilis bilang tugon sa malakas na lindol na tumama sa Mindanao.
Sinabi ni Marcos na nagkokoordina na ngayon ang mga ahensya ng kalamidad ng pagtugon at pagsu-baybay sa lahat ng apektadong lugar, at idinagdag na ang departamento ng kapakanang panlipunan ay inatasan na maghanda ng mga relief goods at mga evacuation center.
Iniutos ni Marcos ang suspinde ng mga klase sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar sa Mindanao hanggang sa susunod na abiso. (Mark Obleada)