Advertisers
MALINAW si Risa Hontiveros sa kalatas sa bayan nang ilunsad noong ika-5 ng Hunyo ang “Risa Na” bilang kilusan sa kanyang kandidatura sa halalang panguluhan sa 2028. “Dadalhin ko kayo sa kinabukasan. Hangad ko ang mga pagbabago upang umunlad ang bansa mula sa matinding pagdarahop na dulot ng mga malalaking pamilya’t korapsyon ng lumang pulitika.” Matining ang pahayag niya sa paglulunsad ng Kilusang Risa Na sa Bahay Alumni sa UP Diliman.
Layon ng Kilusang Risa Na na ipresenta si Risa bilang matinong kandidato na pagpipilian sa 2028. Layunin na ilatag sa bayan ang programa ng Lapiang Akbayan na lupigin ang kahirapan at korapsyon sa gobyerno at wasakin at wakasan ang pamamayani ng mga malalaking pamilya sa kanilang pagkontrol sa pulitika ng bansa.
Malinaw si Risa na hindi siya isang trapo, o basahan ng lumang pulitika. Sinusuportahan siya ng Akbayan, Magdalo, mga civil society organization, at iba’t ibang grupo na may paninindigan sa mga isyung hinaharap ng bayan – kahirapan, korapsyon, pangingibabaw ng mga malalaking pamilya, pakikialam ng ibang bansa sa usaping panloob, at kawalan ng malinaw na programa upang tugunan ang mga isyu tulad ng kawalan ng trabaho, at mabagal na pagsulong ng pambansang kabuhayan.
Sa paglunsad ng Kilusang Risa Na, isa-isang sasagutin ni Risa ang mga katanungan sa mga isyu na bumabagabag sa bansa. Hihikayatin ang mga walang komitment na sumama sa kilusan at ipanalo siya sa 2028. Gagampanan ang tungkulin na linawin sa bayan ang programa upang iahon ang bansa sa kahirapan, korapsyon, at kontrol ng mga malalaking pamilya.
Si Risa ang sagot ng demokratikong puwersa sa pasya ni Leni Robredo na hindi pumalaot sa 2028. Hindi katanggap-tanggap na walang kandidato na ihaharap sa bayan ang puwersang demokratiko. Nasabi ko minsan na mas matamlay pa si Leni sa naglilihing kalabaw pagdating sa isyu ng kanyang kandidatura sa 2028. Tatakbo siyang muli bilang alkalde ng Naga City.
Tanging ang mga tila baliw na tagasulsol ang walang tigil sa pagtulak kay Leni sa bangin. Ayaw ni Leni pero ibinubuyo pa rin siya kahit malinaw na walang kilabot na muling pumalaot sa 2028. Hangad ni Risa at ang mga pangkat na bumubuo sa kanyang kilusan na buuin ang mas malaki at matibay na hanay sa pagharap sa bayan sa 2028.
***
KAGAGUHAN and giit ni Alan Peter Cawatano na siya pa rin ang Senate President. Kasama ang kapatid na Pia at Rodente Marcoleta, nagdaos sila ng ilegal, walang saysay, at walang batayan na pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee. Tiniis ng paksyon ni Sherwin Gatchalian ang maniobra ni Cawatano. Nang malinaw na ang lahat-lahat, saka umupak si Erwin Tulfo.
Marahas ang tugon ni Erwin kay Cawatano. Iginiit na siya ang lehitimong hepe ng Senate Blue Ribbon Committee, hindi Pia. Kapag umulit sa ilegal na pagdinig, sinabi ni Erwin na ipahuli siya at kukuwelyuhan. Hindi sumagot si Cawatano na kilalang duwag at walang buto na sumagupa sa mga hindi sumasang-ayon. Kilala siyang traydor at masatsat kapag nakatalikod ang nakaalitan. Ginamit niya si Camoteng Robin na sumagot kay Erwin.
Hindi alam ni Camote na dating kasapi ng U.S. Marines si Erwin. Bilang isang sundalo, matindi ang training ni Erwin sa man-to-man combat. Huwag magkamali si Camote at ibabalibag siya na parang tinibang na saging sa himpapawid. Hindi pipitsuging kupal si Erwin. Batak ito sa laban kahit hindi niya ibinabando ito dahil hindi kailangan.
Walang ganyang training si Camote. Ang alam niya ang mga kunwaring suntukan sa pelikula kung saan nakipagbabagan siya sa mga siyokeng artista na ka-love triangle niya sa mga pelikula at gulpihin ang mga stuntman na ang tanging hangad sa buhay ay kumita ng marangal upang may ipakain sa kani-kanilang nagdarahop na pamilya.
Hindi nakipaglaban si Robin sa mga malalaking sundalong Amerikano na itim, puti, Latino, at kapuwa Asyano. Pangromansa si Robin at hindi ukol ang pangangatawan sa totoong bakbakan. Kaya pinakamagandang tumigil na lang siya. Kung magaling siya, puntahan niya si Erwin sa hearing ngayong Lunes ng umaga ng totoong Senate Blue Ribbon Committee. Teka nga pala, humingi ng paumanhin si Erwin sa kanyang marahas na salita. Maginoo si Erwin.
***
MAUGONG ang balita na wasak na ang paksyon ni Cawatano sa Senado. Sa sandaling magbukas ang Kongreso sa isang special session ngayong linggo o susunod, depende sa pinagmulan ng balita, magiging 13, o 14, 0 15, ang paksyon ni Sherwin. Hindi nadadagdagan, at bagkus ay nababawasan ang bilang ng paksyon. Sabi ng isang kaibigan na netizen, wala ng bago diyan. Magiging opisyal lang na hindi na Senate President si Cawatano.
Hindi sinabi kung sino ang mga baligtad. May nagsabing si Joel na nahaharap sa sakdal na plunder at pagkakakulong tulad ni Jinggoy Estrada. May nagsabi na kasama si Bong Go na may arrest warrant na mula sa ICC. May nagsasabi na si Camille Villar na may malaking usapin na hinaharap ang kompanya na pamilya. Pawang may mga isyu laban sa kanila at nangungunyapit na isalba ang natitirang dangal.