Advertisers
NAGHAIN nitong Lunes, Hunyo 9, 2026, ang 11-miyembrong House prosecution panel ng isang manifestation sa halip na pormal na tugon sa sagot ni Bise Presidente Sara Z. Duterte sa mga artikulo ng impeachment. Ayon sa mga tagausig, walang inilatag na mahahalagang usaping pangkatotohanan sa kanyang sagot na nangangailangan pa ng karagdagang pagtugon.
Isinumite ni House Secretary General Cheloy Garafil ang manifestation sa Senado at tinanggap ito ni Senate Secretary General Renato Bantug Jr., 11:15 ng umaga. Nagpadala rin ng mga kopya sa Tanggapan ng Bise Presidente at sa law firm na Fortun Narvasa & Salazar.
Sa limang-pahinang dokumento, ipinaliwanag ng prosekusyon na muling nakatuon ang sagot ni Duterte sa mga usaping procedural, hurisdiksiyonal at konstitusyonal sa halip na maglahad ng mga detalyadong paliwanag at ebidensiya upang pasubalian ang mga paratang laban sa kanya.
Ayon sa manifestation, sa ilalim ng umiiral na mga tuntunin, ang mga alegasyon at depensa sa sagot ng respondent ay itinuturing nang pinagtatalunan kahit wala nang isinumiteng reply ang prosekusyon.
Iginiit din ng House prosecutors na hindi makabuluhang sinagot ng bise presidente ang mga aktuwal na paratang sa Articles of Impeachment, bagkus ay nakatuon lamang sa mga pagtutol kaugnay ng proseso, hurisdiksiyon at konstitusyonalidad ng pagpapatuloy ng paglilitis.
Nahaharap si Duterte sa apat na artikulo ng impeachment na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, panunuhol, hindi maipaliwanag na yaman, at mabibigat na pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa prosekusyon, hindi direktang sinagot ng bise presidente ang alinman sa mga alegasyong ito at wala ring sapat na paliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa mga kasong impeachable offenses na isinampa laban sa kanya.
Binanggit pa ng mga tagausig na sa lahat ng apat na artikulo ng impeachment, paulit-ulit lamang iginiit ni Duterte na wala siyang nagawang impeachable offense, ngunit wala itong kalakip na malinaw na salaysay o ebidensiyang sumasalungat sa mga paratang.
Napansin din ng prosekusyon na hindi nagbigay ang bise presidente ng sariling bersiyon ng mga pangyayari o paliwanag hinggil sa mga kuwestiyonableng transaksyon, kabilang ang hindi pagsasapubliko ng cash on hand sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).
Dahil dito, sinabi ng House prosecutors na tila layunin ng kampo ni Duterte na maibasura agad ang kaso bago pa man marinig ng impeachment court ang mga ebidensiya.
Iginiit naman ng prosekusyon na walang probisyon sa Konstitusyon o sa Senate Rules on Impeachment Trials na nagpapahintulot sa agarang pagbabasura ng impeachment case bago ang paglilitis. Anila, ang tanging kinikilalang paraan upang wakasan ang isang impeachment proceeding ay sa pamamagitan ng pagpapawalang-sala matapos ang buong pagdinig ng mga ebidensiya.
Pinanindigan din ng House prosecutors na hindi dapat magpasya ang Senado sa mga usaping hurisdiksiyonal at konstitusyonal na iniaangat ng kampo ni Duterte dahil nakabinbin na ang mga ito sa Korte Suprema.
Ayon sa kanila, hindi maaaring maunang humatol ang Senado sa mga isyung kasalukuyang pinagpapasyahan ng Kataas-taasang Hukuman.
Dagdag pa ng prosekusyon, ang kapangyarihang magpasimula ng impeachment proceedings ay eksklusibong nakatalaga sa Kamara de Representantes, kabilang ang pagpapatupad ng sarili nitong mga alituntunin. Dahil dito, hindi maaaring suriin, baguhin o pawalang-bisa ng Senado bilang impeachment court ang mga naging hakbang ng Kamara nang hindi naaapektuhan ang itinakdang paghahati ng kapangyarihan sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sa pagtatapos ng kanilang manifestation, hinimok ng House prosecution panel ang Senado na ituloy na ang impeachment trial at huwag nang magbigay-daan sa mga karagdagang pleadings na maaari lamang magdulot ng pagkaantala sa prosesong ipinag-uutos ng Konstitusyon na dapat isagawa nang “forthwith” o agad-agad.
Gayunman, hindi parin nalulutas ng Senado ang umiiral nitong sigalot sa pamunuan bago masimulan ang paglilitis, na ayon sa mga unang ulat ay posibleng umusad sa Hulyo.