Advertisers
SUMUKO na sa mga awtoridad ang driver ng SUV na sangkot sa insidente ng hit-and-run na ikinasugat ng isang Highway Patrol Group (HPG) personnel sa South Luzon Expressway (SLEX) noong Hunyo 6.
Kinilala ni HPG Chief, Brigadier General Rommel Batangan, ang driver sa alyas na “Man”.
“Matapos ang kanyang pagsuko, dinala ang driver sa HPG headquarters para sa kaukulang dokumentasyon bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon,” ani Batangan sa isang press conference.
Ayon sa HPG, ang pinagsamang intelligence-driven at backtracking operations nito mula Hunyo 6 hanggang 9 ang humantong sa pagsuko ng driver.
Narekober din ng mga awtoridad ang sangkot na SUV mula sa isang repair shop sa Antipolo City. Agad itong isinailalim sa kustodiya ng HPG para sa dokumentasyon at bilang ebidensya sa kaso.
Samantala, nagpadala rin ang HPG ng pormal na liham sa Land Transportation Office (LTO) na nagrerekomenda ng pagbawi sa lisensya ng driver at paglalagay ng alarm status sa naturang SUV habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Inihahanda na rin ang mga kasong abandonment of one’s own victim at reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property laban sa salarin.(Koi Laura)