Advertisers
HINIHILING ng House prosecution panel sa Senate impeachment court na atasan ang kampo ni Vice President Sara Z. Duterte na ipaliwanag kung bakit inampon nito bilang sarili nilang mga saksi ang mga testigo ng prosekusyon. Babala ng panel, ang malalabong listahan ng mga saksi, pangkalahatang pagtanggi at hindi malinaw na layunin ng mga testimonya ay maaaring magsayang ng oras at magpabagal sa pagdinig ng kaso.
“Bahagi rin ng isinumite namin ngayon sa Kagalang-galang na Hukuman ang kahilingan na payagan ang depensa na malinaw na tukuyin kung ano ang layunin ng pag-ampon nila sa mga saksi na aming iniharap,” ani House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Ginawa ni Adiong ang pahayag sa press conference ng House prosecution team sa Senado matapos magsumite ang mga prosecutor sa Senate impeachment court ng kanilang mga dokumento hinggil sa pagkakasunod-sunod ng presentasyon ng ebidensya, mga panukalang stipulation of facts, at layunin ng mga saksi ng magkabilang panig.
“Napansin namin na tila pangkalahatang pagtanggi lamang ang kanilang ginagawa. Hindi namin eksaktong alam kung ano ang magiging layunin ng mga saksi na aming isinumite sa Hukuman at kung bakit sila inampon ng depensa bilang bahagi rin ng kanilang mga testigo,” dagdag ni Adiong.
Ayon naman kay Kabataan Party-list Rep. Renee Co, napansin ng prosecution panel na napakalawak at pangkalahatan ng mga terminong ginamit ng depensa sa pagtukoy sa layunin ng marami nilang saksi, kahit na hinihingi ng pre-trial process na malinaw na maipaliwanag kung bakit mahalaga ang isang testigo sa kaso.
“Ito po ay dahil napansin ng House prosecution panel sa pre-trial brief of the defense na karamihan ng kanilang mga witnesses sa nilistang purpose sa kung bakit po sila ipe-present, very general po ang wording,” ani Co.
Nilinaw ng prosekusyon na hindi nila agad tinututulan ang mga saksi ng depensa. Ang layunin lamang nila ay tiyaking sumusunod ang depensa sa mga alituntunin ng Senate impeachment court upang matukoy kung alin sa mga testimonya ang mahalaga, kinakailangan o inuulit lamang.
“Ang hinihingi lamang namin ay utusan sila ng Clerk of Court at ng impeachment court na sumunod sa mga guidelines para sa pre-trial conference dahil malinaw na inaatasan ang magkabilang panig na magbigay ng buod ng kanilang mga planong iharap na saksi,” paliwanag ni legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr.
Sinabi ni Tolosa na hindi maaaring basta na lamang muling ipatawag ng depensa ang mga saksi ng prosekusyon nang walang malinaw na dahilan, lalo na’t magkakaroon sila ng pagkakataon na usisain ang mga ito sa pamamagitan ng cross-examination kapag iniharap na sila ng prosekusyon.
“Iyan mismo ang layunin ng cross-examination. Kapag iniharap namin ang aming mga saksi, magkakaroon na ng pagkakataon ang depensa na tanungin sila upang makuha ang impormasyong kailangan nila. Kaya bilang patakaran, hindi maaaring basta na lamang muling ipatawag ang isang saksi nang walang sapat na dahilan,” ani Tolosa.
Ayon pa kay Adiong, ang pagdepende ng depensa sa malawakang pagtanggi at pag-ampon sa mga saksi ng prosekusyon ay nagpapakita ng pangamba ng prosecution na wala pa rin itong malinaw na sagot sa mga ebidensyang sumusuporta sa Articles of Impeachment.
“Mukhang sila ngayon ang nagsasagawa ng fishing expedition dahil gusto nilang humarap sa korte ang mga saksi na una namang mga testigo namin, ngunit hindi namin alam at hindi rin alam ng korte kung ano ang layunin ng pagtrato sa kanila bilang hostile witnesses,” ani Adiong.
Sinabi ni Co na nais ng prosekusyon na maiwasan ang pag-aaksaya ng oras ng impeachment court sa pamamagitan ng pagtiyak na malinaw ang layunin ng bawat saksi at bawat ebidensyang ihaharap bago tuluyang itakda ang iskedyul ng paglilitis.
“Ang gusto natin maprotektahan dito ay ang oras ng impeachment court. Ayaw natin ng dagdag na pagkaantala at nais nating igalang ang proseso at mga patakaran ng hukuman upang maayos nitong matimbang ang kaugnayan ng mga testimonya at bigat ng mga ebidensyang ihaharap,” ani Co.
Dagdag ni Adiong, dapat seryosohin ng depensa ang pre-trial conference sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga espesipikong detalye na hinihingi ng impeachment court sa halip na umasa sa malalabong pahayag na maaaring magpalabo sa mga isyu at magpahaba sa proseso.
“Ipinapakita rin nito hindi lamang ang kanilang kahandaan, dami ng ebidensya at lakas ng kaso, kundi pati na rin kung gaano kaseryoso ang depensa sa pagsunod sa mga alituntuning itinakda ng kagalang-galang na hukuman,” ani Adiong.
Binigyang-diin ni Tolosa na hindi pa hinihiling ng prosekusyon na huwag payagang tumestigo ang mga naturang saksi, ngunit iginiit nitong dapat maipaliwanag ng depensa kung bakit kinakailangan pa silang muling ipatawag at gamitin sa paglilitis.