Advertisers
Mahalagang maipagpatuloy ang paggastos ng pamahalaan, lalo na sa mga proyektong pang-imprastraktura upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi lamang ang pandaigdigang pagtaas ng presyo ng langis ang nakaapekto sa paghina ng economic growth, kundi maging ang mababang government spending, batay sa pagsusuri ng economic team.
Sinabi ni Castro na ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim de Leon, naging mas maingat ang pamahalaan sa paggastos kaya bumagal ang paglalabas ng pondo, partikular para sa mga infrastructure project.
Ipinaliwanag ni Castro na isa sa mga dahilan nito ang masusing pagsusuri sa mga flood control project upang matiyak na magiging epektibo at tama ang paggamit ng pondo ng bayan bago ito ilabas.
Dahil dito, nabawasan ang paggasta ng gobyerno na itinuturing na isa sa pangunahing nagtutulak sa pag-ikot ng ekonomiya, kaya nakaapekto rin ito sa kabuuang paglago ng bansa.
Samantala, tiniyak ng Malacañang na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang maingat ngunit mas mabilis na pagpapatupad ng mga imprastraktura at iba pang programa upang mapalakas ang economic growth, makalikha ng mas maraming trabaho, at maihatid ang mga serbisyong kailangan ng mamamayan. (Gilbert Perdez)