Advertisers
HANDANG-HANDA ang panel ng mga House prosecutor na tapusin ang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte, gaano man ito katagal, ayon kay House prosecutor at Manila 3rd District Representative Joel Chua nitong Linggo.
“Wala pong bibitiw,” ani Chua sa panayam sa dzBB program na ‘Bantay Balita sa Kongreso’ kasama sina Nimfa Ravelo at Isa Avendaño-Umali, nang tanungin kung handa ba ang prosecution sa paglilitis na maaaring tumagal ng pito hanggang walong buwan.
“Basta tayo po ay gagawin lamang po namin sa abot ng aming makakaya ang lahat ng aming magagawa para maiprisinta sa ating mga kababayan at sa impeachment court ang mga ebidensya batay sa bawat artikulo,” dagdag ni Chua .
Naungkat ang usapin matapos sabihin ni Senate President Sherwin Gatchalian sa naunang panayam sa parehong programa na maaaring umabot sa pito hanggang walong buwan ang impeachment trial.
Gayunman, nilinaw ni Chua na ang kanilang mungkahing 62 araw ng presentasyon ay hindi nangangahulugang iyon ang aktuwal na haba ng paglilitis.
“Pero hindi naman ibig sabihin noon lahat ‘yan ay masusunod,” aniya.
Ipinaliwanag niya na nakabatay ang pagtatayang ito sa pagpaprisinta ng tig-iisang testigo kada pagdinig. Aniya, maaari itong umikli kung dalawa o tatlong testigo ang ihaharap sa loob ng isang araw.
Sinabi rin ni Chua na maaari ring hindi na iharap ng prosecution ang lahat ng apat na Articles of Impeachment kung sa tingin nila ay sapat na ang mga naiprisintang ebidensya upang makakuha ng hatol na ‘guilty’.
“Kung saka-sakali po, halimbawa, matapos ang dalawang articles ay makita naming sapat na ang bilang at napakatibay na ng mga ebidensyang naiprisinta namin, maaari naming i-waive na ang iba pang articles,” paliwanag ni Chua.
Ipinaliwanag din ni Chua kung bakit lumobo ang dami ng dokumentong kailangang iproseso sa pre-trial.
Ayon sa kanya, may humigit-kumulang 4,000 acknowledgment receipts ang prosecution na may kaugnayan sa confidential funds. Ngunit dahil tumanggi ang depensa sa common marking procedure at iginiit na magkahiwalay na markahan ang parehong mga dokumento, nadoble ang bilang ng mga dokumentong kinailangang iproseso.
“Pwede naman kasi ang common marking, ibig sabihin sa iisang dokumento ay puwedeng doon na maglagay ng marka ang defense at prosecution,” ani Chua.
“Pero dahil ayaw pumayag ang depensa at gusto nilang hiwalay ang marking, ang 4,000 dokumento ay naging 8,000,” dagdag ni Chua.
Nakatakdang simulan ng Senado, bilang impeachment court, ang pormal na paglilitis sa Hulyo 6, kung saan haharap si Duterte sa mga sakdal na kinabibilangan ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol na may kaugnayan sa mga tauhan ng Department of Education, at pagbabanta laban sa matataas na opisyal ng bansa.