Advertisers
UMALIS sa kanilang bahay sa Barangay 85 ang pamilya ng 14-anyos na estudyanteng sangkot sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte, at posibleng lumipat na sa Maynila, ayon sa kanilang kapitbahay.
Sinabi ng isang kapitbahay na isang opisyal ng barangay, noong Huwebes ay umalis ang mga magulang ng bata kasama ang kanyang lolo’t lola patungo sa Maynila.
Ikinuwento rin ng opisyal na tahimik ang 14-anyos na salarin, na pinakamatanda sa tatlong magkakapatid, at bihirang makihalubilo sa ibang kabataan sa kanilang lugar.
Ayon pa sa opisyal, madalas nasasaksihan ng bata ang pagtatalo ng kanyang mga magulang na minsan, nauuwi sa pisikal na away, bagama’t giit niya, hindi ito sapat na dahilan sa nagawang krimen.
Hunyo 22, nangyari ang pamamaril sa loob ng paaralan na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng mahigit 20.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang dalawang menor de edad na gunmen, isinasailalim sa mga susunod na legal na proseso sa ilalim ng juvenile justice system.