Advertisers
Hiniling ng isang abogado sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang posibleng kasong plunder, kaugnay ng ibinunyag ng grupong the Passenger Forum na kabiguan ng Manila International Airport Authority o MIAA na singilin ang halos apat na bilyong pisong utang ng kumpanyang Cargohaus Incorporated.
Nabatid na patuloy pa ring ginagamit ng naturang kumpanya ang mga pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport, sa kabila ng utang nito sa MIAA.
Sa sulat na ipinadala sa Ombudsman, pina-iimbestigahan ni Atty. Carlo Ybañez ang hindi pa nababayarang utang ng kumpanya sa MIAA, at kung bakit tumagal ito ng ilang taon.
Bukod dito, pinaiimbestigahan din sa Ombudsman kung bakit pinagagamit pa rin sa kumpanya ang mga pasilidad ng NAIA, sa kabila ng utang nito, at maaari umanong mayroong special treatment dito.
Maaari rin umanong may kinalaman ang ilang opisyal ng MIAA sa isyu, kung saan maaaring maharap sa kasong plunder ang mapatutunayang kasabwat sa usapin.
Sa huli, sinabi ni Atty. Ybañez sa kanyang sulat na kailangang bigyan-pansin ng Ombudsman ang isyu, dahil pera ng taumbayan ang nakasalalay rito, at makabubuting maghain ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot sa isyu kung kinakailangan.
Samantala, sa isang pahayag, sinabi ni MIAA General Manager Eric Ines na natanggap na nila ang mga ulat kaugnay ng reklamong inihain sa Office of the Ombudsman, hinggil sa mga utang ng Cargohaus, Incorporated.
Ayon sa MIAA, nananatili silang nakatuon sa pagbabantay sa mga interes ng pamahalaan, at kanilang tinitiyak na sinisingil nila ang pagkakautang ng mga kumpanya sa ahensya.
Bukod dito, makikipagtulungan ang ahensya sa Ombudsman hinggil sa magiging imbestigasyon kung kinakailangan, nguni’t sa ngayon ay wala sila sa posisyon para magbigay ng komento hinggil sa isyu.