Advertisers
By Anne Venancio
Inamin ng celebrity entrepreneur na si Sam Verzosa na hindi pa siya tuluyang nakaka-move on matapos ang hiwalayan nila ng aktres na si Rhian Ramos.
Sa panayam ng entertainment press sa Frontrow Headquarters, naging tapat si Verzosa sa pagsasabing nasa proseso pa rin siya ng paghilom. Gayunman, hiniling niyang tapusin na ang usapin tungkol kay Rhian bilang paggalang sa kanilang nakaraan at sa aktres.
“Hindi pa nga, eh. Hindi naman basta-basta ‘yun. Nasa proseso pa ‘yun,” ani Verzosa.
Ibinahagi rin niya na nami-miss pa rin niya ang pagmamahal ni Rhian at naniniwala siyang ibinigay niya ang lahat para maging maayos ang kanilang relasyon.
Samantala, mariin niyang pinabulaanan ang mga kumakalat na tsismis na mayroon na siyang bagong karelasyon na isang influencer. Hiniling din niya sa publiko na huwag basta maniwala sa mga haka-haka tungkol sa kanyang personal na buhay.
Nilinaw rin ni Verzosa ang mga isyung nag-uugnay sa kanya kina Kapuso actresses Kyline Alcantara at Faith Da Silva. Ayon sa kanya, magkaibigan lamang sila ni Kyline at hindi patas na nadadamay ang aktres sa mga walang basehang espekulasyon.
“Kaibigan ko lang si Ky and that’s the truth. We’re just friends talaga… if I’m dating someone, people will know,” pahayag niya.
Tungkol naman kay Faith, sinabi ni Verzosa na matagal na silang magkakilala at nagkaroon lamang sila ng pagkakataong muling mag-usap sa isang event, kung saan personal growth at motivation ang naging paksa ng kanilang pag-uusap.