Advertisers

Advertisers

YORME ISKO: MINIMUM BASIC NEEDS ANG PUNDASYON NG MAAYOS NA MAYNILA

0 2

Advertisers

Hindi lahat ng proyekto ay dapat tingnan bilang simpleng paggastos ng gobyerno. May mga proyektong hindi lamang nagtatayo ng gusali kundi nagtatayo ng tiwala ng mamamayan sa kanilang pamahalaan.

Isa rito ang bagong rehabilitated na San Nicolas Health Center sa Maynila.

Sa unang tingin, maaaring isipin ng iba na isa lamang itong ordinaryong health center na inayos at pinaganda. Nguni’t kung susuriin nang mabuti, mas malalim ang mensahe ng proyektong ito.

Paulit-ulit na sinasabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ang tunay na sukatan ng mahusay na pamamahala ay kung natutugunan ng pamahalaan ang Minimum Basic Needs ng mamamayan – Housing, Education, Healthcare at Jobs.

Hindi raw maaaring puro imprastraktura lamang ang ipagmalaki kung ang mga tao naman ay walang maayos na tirahan, walang trabaho, hirap sa pag-aaral at walang mapuntahang pagamutan kapag nagkasakit.

Sa apat na haliging ito, malinaw na isa sa mga pangunahing prayoridad ng administrasyon ang healthcare.

Kaya hindi nakapagtatakang isa sa mga unang proyektong isinulong ng lungsod ay ang pagbuhay at rehabilitasyon ng mga health center sa iba’t ibang distrito.

Ang San Nicolas Health Center ang isa sa mga pinakabagong bunga ng programang ito.

Mas makahulugan pa rito ang isang bagay.

Nang simulan ang rehabilitasyon, nangako si Mayor Isko na matatapos ito sa loob ng anim na buwan.

Subalit hindi na kinailangang hintayin ang ika-anim na buwan.

Sa loob lamang ng limang buwan ay natapos na ang proyekto at agad na binuksan sa publiko – isang buwang mas maaga kaysa sa target na itinakda ng pamahalaang lungsod.

“We promised to build this in six months and today is the 5th month, we are ahead of one month,” ani ni Yorme Isko.

Sa isang panahong maraming proyekto ng gobyerno ang naaantala, ang pagtupad sa pangako nang mas maaga ay hindi maliit na bagay. Ipinapakita lamang nito na kapag may malinaw na direksyon at may political will, maaaring mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.

At hindi lamang ito usapin ng bilis ng konstruksyon.

Bawat araw na mas maagang nabuksan ang health center ay katumbas ng mas maraming buntis na maaaring ma-check-up, mas maraming batang mababakunahan, mas maraming senior citizen na makakakuha ng maintenance medicines, at mas maraming residenteng hindi na kailangang bumiyahe nang malayo upang magpagamot.

Hindi rin tinipid ang pasilidad.

May consultation rooms, pharmacy, laboratory facilities, medtech room, staining room, sputum collection area, minor surgery room, dental clinic, treatment rooms, opisina ng mga nurse at midwife, at iba pang makabagong kagamitan na magpapalawak sa kakayahan nitong magsilbi sa komunidad.

Mas mahalaga rito ang layunin.

Kapag maayos ang mga barangay health center, nababawasan ang dagsa ng pasyente sa mga ospital. Ang mga simpleng karamdaman ay agad na naaagapan sa komunidad habang ang mga seryosong kaso ay nabibigyan ng sapat na oras at atensyon sa mga pampublikong ospital.

At ayon mismo kay Yorme, hindi rito matatapos ang programa.

Marami pang health centers sa Maynila ang isasaayos at lalagyan ng mga kinakailangang medical equipment upang maging tunay na functional at kapaki-pakinabang sa mga residente.

“We are doing better. Marami pa tayong aayusin, hindi lang basta aayusin, pupunuan ko ng takdang gamit. We will not stop, promise ko ‘yan sa inyo,” dagdag ng alkalde.

Kung tutuusin, unti-unti nang nakikita ang bunga ng ganitong uri ng pamumuhunan.
***
Sa Numbeo Health Care Index by City 2026, apat na lungsod sa Pilipinas ang nakapasok sa Top 10 healthcare hubs sa Southeast Asia. Nanguna ang Makati na may Health Care Index na 85.0, sinundan ng Davao sa ikalimang puwesto na may 73.6, habang pang-siyam ang Maynila na may 62.5 at pang-sampu ang Cebu na may 60.7.

Hindi maliit na bagay ang pagkilalang ito.

Ibig sabihin, nakasabay ang mga lungsod sa Pilipinas sa mga pangunahing urban centers sa Thailand, Singapore, Malaysia at Vietnam pagdating sa kalidad ng serbisyong pangkalusugan.

Mas mahalaga pa, ang batayan ng numbeo ay hindi lamang laki ng gusali o dami ng ospital. Isinasaalang-alang dito ang kalidad ng mga doktor at healthcare workers, antas ng serbisyo, modernong kagamitan, bilis ng pagtugon sa pasyente, accessibility at maging ang halaga ng pagpapagamot.

Sa kaso ng Maynila, hindi ito nangyari nang biglaan.

Sa mga nakalipas na buwan, sunud-sunod ang pagbubukas at rehabilitasyon ng mga neighborhood health centers upang mailapit ang primary healthcare sa bawat barangay. Kasabay nito ang patuloy na pagpapahusay sa mga pampublikong ospital ng lungsod.

Patunay rito ang pagkakasama ng Sta. Ana Hospital sa listahan ng World’s Best Hospitals in the Philippines ng Newsweek at Statista, kung saan pumuwesto ito sa ika-25 na puwesto sa buong bansa.

Hindi lamang iyon.

Kinilala rin ang Maynila ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine Health Insurance Corporation dahil sa pagpapatupad ng Universal Health Care at Urban Governance Exemplar programs.

Samantala, apat na Green Stars mula sa Department of Health ang iginawad sa Justice Jose Abad Santos General Hospital at Ospital ng Maynila Medical Center, habang tatlong Green Stars naman ang natanggap ng Sta. Ana Hospital bilang pagkilala sa kalidad ng kanilang serbisyong pangkalusugan.

Hindi nangangahulugan ang mga pagkilalang ito na wala nang problema ang lungsod.

Marami pa ring kailangang pagbutihin, dagdagan at ayusin.

Ngunit ang mga ito ay nagsisilbing patunay na ang direksyong tinatahak ng Maynila ay unti-unting kinikilala hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa antas ng Southeast Asia.

Sa huli, hindi naman hinihingi ng karaniwang Manileño ang pinakamagarang gusali o pinakamaraming seremonya.

Ang gusto lamang nila ay may doktor kapag sila ay may sakit, may gamot na makukuha, may laboratoryong mapupuntahan, may bakuna para sa kanilang mga anak at may health center na bukas sa oras ng kanilang pangangailangan.

Ito ang diwa ng Minimum Basic Needs na paulit-ulit na isinusulong ni Yorme Isko – na ang isang mahusay na pamahalaan ay inuuna ang apat na pundasyon ng disenteng pamumuhay: Housing, Education, Healthcare at Jobs.

Dahil sa bandang huli, ang isang lungsod ay hindi nagiging dakila dahil lamang sa matatayog na gusali o magagarang proyekto. Nagiging dakila ito kapag ang ordinaryong mamamayan ay nararamdamang may gobyernong tumutupad sa pangako, mabilis kumilos, at inuuna ang kanilang kalusugan, kabuhayan at kinabukasan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.